KAMPANYA KONTRA FAKE NEWS SAKOP VLOGGERS ABROAD – DOJ

HAHABULIN at pananagutin din ng mga ahensyang nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ) ang mga vlogger at social media influencers na nasa abroad na nagpapakalat ng maling impormasyon o balita laban sa gobyerno ng Pilipinas.

Ito ang tiniyak ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime “Jimmy” Santiago sa isang ambush interview sa ginanap na 52nd NBI Agent’s Basic Training Program Commencement Exercises sa DOJ Hall of Justice (DOJ) kahapon.

Paiigtingin ng NBI ang koordinasyon sa International Criminal Police Organization (Interpol) para maisyuhan ng warrant of arrest ang iba pang Filipino citizens na nasa abroad ngunit walang ibang gawain kundi siraan at guluhin ang gobyerno ng Pilipinas.

Aminado si Santiago na isa sa mga dilemma nila kung paano rin mahahabol ang mga Pilipinong nagpapakalat ng maling impormasyon sa ibang bansa.

Maituturing kasing hindi criminal case ang Libel sa bansang Amerika dahil nakapaloob lamang ito sa civil case.

“So lalo pa at ‘yung vlogger ay US Citizen, how can we enforce our law dun sa citizen nila at hindi naman yun ang umiiral na batas sa kanila so tinitignan namin lahat. For example, pupwedeng pumasok sila sa inciting to sedition, krimen ‘yan sa US dito sa ‘tin krimen yan,” ani Santiago.

Dagdag ng NBI, nirerespeto nila ang freedom of speech at expression ng sinoman at binabalanse nila ito nang maayos.

Iniimbestigahan na rin aniya ng NBI ang halos 20 fake news peddlers na iisa lamang ang tema ng content gayundin ang posibilidad na may nagpopondo rito.

Kasabay nito, halos 44 NBI agents ang nagtapos at sumalang sa ilang araw na training o pagsasanay para mapalawak ang kanilang kaalaman o kahusayan na may kaugnayan sa law enforcement.
Sinaksihan nj Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang commencement exercises na dinaluhan din ng iba pang matataas na opisyal ng DOJ at NBI.

(JULIET PACOT)

61

Related posts

Leave a Comment