IDINEPLOY ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa 8,152 na pulis sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila upang matiyak ang seguridad at maalalayan ang mga commuter sa gitna ng transport strike ng grupong Manibela.
Sinabi ni NCRPO Regional Director Police Brig Gen. Anthony Aberin, na kabilang sa mga idineploy ang Civil Disturbance Management contingents na magbabantay sa matataong lugar, transport terminals at commercial zones.
Pinakalat din ang mga pulis sa mga pangunahing kalsada upang mapanatili ang kaayusan sa gitna ng transport strike.
In-activate na rin ng NCRPO ang Reactionary Standby Support Force para magbigay ng dagdag na puwersa kung kinakailangan.
Bukod dito, may mga nagpapatrolyang pulis gamit ang mobile patrols, foot patrols at motorsiklo para sa mabilis na pagtugon sa anomang insidente.
Nakipag-ugnayan na rin ang NCRPO sa mga local government unit at iba pang ahensya upang magbigay ng transport assistance katulad ng libreng sakay sa mga maaapektuhan.
Tiniyak din ni Aberin na paiiralin ng NCRPO ang maximum tolerance sa pagharap sa protesters kasabay ng paalala sa mga lalahok na igalang ang batas at karapatan ng mamamayan.
(TOTO NABAJA)
