DELIKADO na naman ang buhay ng nakararami sa mga residente sa National Capital Region (NCR) simula sa Agosto 6 na tatagal hanggang 20 dahil muling ipatutupad dito ang “enhanced
community quarantine” (NCR).
Napakarami na namang mga manggagawa na itinuturing na hindi esensiyal ang matitigil ang hanapbuhay.
Kung hindi sila magtatrabaho, siyempre wala silang suweldo sa loob ng labinglimang araw.
Pokaragat na ‘yan!
Ang sagot ng administrasyong Duterte ay bibigyan ng P1,000 bawat manggagawang apektado ng ECQ.
Magiging P4,000 kada pamilya kung apat ang miyembro nito dahil P1,000 nga bawat isa.
Kung limang miyembro o higit pa, apat na libo pa rin ang ayuda.
Pokaragat na ‘yan!
Magkakasya ba ang P4,000 sa loob ng labinglimang araw, gayong sobrang mahal ng presyo ng mga bilihin?!
Magkano ang baboy ngayon?
Napakataas pa rin hanggang ngayon kahit na dumagsa na ang mga baboy na galing sa ibang bansa.
Kaya, pawang kasinungalingan ang ipinangako at idiniin ng ilang beses ni Agriculture Secretary William Dar na sagot ang importasyon sa pagbaba ng presyo ng baboy at ng iba pang mga produkto.
Ginamit lang na oportunidad ang napakamahal na presyo ng baboy upang maikasa ang importasyon ng baboy nang lampas sa minimum access volume (MAV) nito upang kumita nang kumita ang mga korap sa Department of Agriculture (DA) at ahensiya nitong Bureau of Animal Industry (BAI).
Sa madaling salita, ang napakamahal na baboy mula 2019 hanggang 2021 ay naging napakalakas at matibay na batayang nagpapayag kay Pangulong Rodrigo Duterte na paramihin ang MAV ng mga aangkating baboy upang malutas ang suliranin sa walang tigil na pagtaas na presyo nito hanggang umabot sa mahigit P400 bawat kilo.
Ang totoo, napalaking oportunidad ng mga negosyante at mga korap na opisyal sa DA at BAI upang ilatag ang pinakamaraming banyerang paglalagyan ng kikitain ng napakaraming salapi mula sa korapsyon.
Pokaragat na ‘yan!
Ang kawawa rito ay ang mga mamimili na pawang pangkaraniwang tao dahil sila ang sasalo at magbabayad ng lahat ng ginastos ng mga importer at iba pang mga negosyante sa industriya ng baboy.
Kasama sa babayaran ay ang perang napunta sa mga korap sa DA at BAI.
Pokaragat na ‘yan!
Sasahol nang husto ang kawawang buhay ng mga manggagawa at iba pang pangkaraniwang taong hindi esensiyal ang trabaho dahil wala silang sasahurin sa panahong napakataas ng presyo ng mga bilihin.
At kung magpapatuloy ang pag-ulan, pihadong higit na sisirit ang presyo ng isda, gulay at prutas.
Wala sanang problema dahil ang ECQ naman ay siyang aktuwal na solusyon ni Duterte sa nakakatakot na atake ng Delta variant ng COVID – 19.
Ang problema, hindi pa alam ng administrasyong Duterte kung saan kukunin ang kakarampot na ayuda.
oOo
CP: 09985650271 /
Viber #: 09457016911
