KAYA PALA

LALONG isusuka ng sambayanang Filipino ang pag-amyenda sa Saligang-Batas dahil sa rebelasyon ni Speaker Lord Allan Velasco na kung sila ang masusunod ay gusto nilang magkaroon ng ekstensyon ang termino ng kanilang among si Pangulong Rodrigo Duterte dahil kulang daw ang 6 na taon.

Nakapasa na ang economic charter change sa Kamara de Representantes at naghihintay na lamang ang mga kongresista ng aksyon ng Senado para mawala ang mga economic provision na sinasabing hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang negosyante sa Pilipinas.

Pero, tinuran ni Velasco na walang kasiguraduhan na hindi mahahaluan ng mga political provision sa kanyang Cha-cha dahil idinaan sa sistemang legislasyon ang pag-amyenda sa mga economic provision.

Ibig sabihin, kapag inaksyunan ng Senado ang panukalang ito, magkakaroon sila ng bicameral conference committee (Bicam) at maraming nangyayari rito na hindi napag-uusapan sa committee at plenary level.

Isang halimbawa d’yan ang modernisasyon sa Bureau of Fire Protection (BFP) na pagdating sa Bicam siningitan ng probisyon na “armasan” ang mga bumbero, kaya hindi naratipikahan sa Senado.

Walang kasiguraduhan na hindi mangyayari ‘yan sa Cha-cha pagdating sa Bicam dahil puwedeng magsingit ang mga kinatawan ng Kamara at Senado ng mga political provision tulad ng term extension ng pangulo.

Puwede ring baguhin sa Bicam ang orihinal na panukala na isasabay sa 2022 national and local elections ang referendum ng bagong Saligang-Batas at gawin ito sa Enero, o Pebrero, kapag ipinasa ng Senado ang Cha-cha mula Agosto hanggang Disyembre 2021.

Kapag nangyari ‘yan at nahokus pokus ang resulta ng referendum, maaari nang tumakbo ulit si Pangulong Duterte sa pagkapangulo dahil puwede rin silang mag-singit ng probisyon na iurong ang eleksyon.

Maraming puwedeng mangyari!

So, totoo ang haka-haka ng mamamayan na talagang pulitika ang layon ng Cha-cha para sa pansariling interes ng mga pulitiko dahil sinabi ni Speaker Velasco na gusto nilang magkaroon ng ekstensyon ang termino ni Digong.

Hindi lang ngayon tinangkang amyendahan ang Saligang-Batas dahil kabilang ito sa mga ipinangako ni Duterte na gagawin kapag siya ang manalo at palitan ang sistema ng gobyerno sa ating bansa.

Pero, hindi umubra dahil 6 sa bawat 10 Filipino ang ayaw amyendahan ang Saligang-Batas dahil duda sila na hindi para sa kanila ang gagawing ito ng mga pulitiko, kundi para sa kapakanan lang ng huli.

Lalo kong napatunayan na malakas talaga ang pakiramdam ng mga Filipino na hindi para sa kanila ang Cha-cha, kundi para sa interes ng mga pulitiko na halos ayaw nang umalis sa kanilang poder.

At sa tinurang ito ni Velasco, lalong hindi papayagan ng mamamayan na ­amyendahan ang Saligang-Batas dahil alam na nila ang tunay na layunin ng mga pulitiko.

Lalong mawawala ang tiwala ng mga tao sa mga pulitiko sa rebelasyon ni Velasco kapag tinangka muli nilang amyendahan ang Saligang-Batas at lalo na kapag sila ang mag-amyenda at hindi ito idaan sa Constitutional Convention (ConCon).

Saka lang siguro magtitiwala ang publiko sa Cha-cha kapag lumayo ang mga pulitiko sa trabahong ‘yan at ipaubaya sa ConCon, pero hangga’t ipinipilit nila ang kanilang sarili na sila ang dapat mag-amyenda, walang ­mangyayari d’yan!

Kailangan lalong magbantay ang publiko dahil may hidden agenda pala ang mga pulitiko lalo na’t may isang taon pa ang administrasyong Duterte.

Marami pang puwedeng mangyari.

159

Related posts

Leave a Comment