NATAGPUANG wala nang buhay ang isang 55-anyos na lalaki sa loob ng comfort room ng Queensland Lodge sa Sta. Mesa, Manila nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni Det. Nino Baladjay ng MPD-Homicide Section, ang biktimang kinilalang si Allan Saw y Alvarez, residente ng 3153 R.M. Reposo St., Sta. Mesa, Manila, ay nag-check-in sa nasabing hotel sa #4507 Old Sta. Mesa, Manila, kasama ang isang 25 hanggang 30-anyos na lalaki dakong alas-6:46 ng umaga noong Biyernes.
Ngunit dakong alas-12:20 ng madaling araw nitong Sabado ay dapat nang mag-check-out ang dalawa kaya kinatok ang kanilang silid ng hotel staff.
Gayunman, walang sumasagot kaya binuksan nila ang silid sa pamamagitan ng master key at nadiskubeng patay na ang biktima habang hubo’t hubad na nakaupo sa baldosa ng comfort room.
Hinihinalang inatake sa puso ang biktima na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang biktima sa lalaking kasama nitong pumasok sa nasabing hotel. (RENE CRISOSTOMO)
474 