KINABUKASAN NG IYONG ANAK AT APO ISIPIN SA PAGBOTO, LABANAN ANG UNITIM – IMK LENI

(ELMER ARGAÑO Convenor, iMk Leni and SecGen, iM15M for Bam and Kiko)

NANAWAGAN ang IMK Leni, grassroots volunteer group na nagsulong ng kandidatura ni former Vice President Leni Robredo noong 2022, sa mga botante na maging mas mapanuri at matalino sa pagpili ng mga iluluklok sa poder ngayon darating na halalan sa Mayo 12 kasabay ng panawagan nitong magkaisa upang labanan ang tinaguriang “Unitim”.

Mariin ang panawagan ni Elmer Argaño, lead convenor ng IMK Leni sa mga botante na gamitin nang tama ang kanilang karapatan bumoto at maging metikuloso sa pagpili ng tatangkiling kandidato, sa Senado, Kongreso at lokal na gobyerno.

“Paulit-ulit na lang. Sana po magbagong-buhay na tayo ngayong Mayo 12 para sa ating mga anak at apo,” ani Argaño.

“Sa halip na mga grupo ng mga negosyante at trapong lokal na politiko ang piliin natin, maraming lider ang mas karapat-dapat iluklok sa Kongreso,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ng lider ni Leni na may ilan pang mga kandidato sa pagkasenador ang maaaring ikonsidera ng mga Pilipino, huwag lang ang may mga track record ng karahasan, pandarambong, pambubudol at kainutilan.

Kaugnay nito, nagbigay ng ilan pangalan ang grupo na nararapat umanong iboto base sa kanilang pagkatao at track record sa paggogobyerno at serbisyo publiko. Kabilang dito sina former mayor, Interior and Local Government Secretary at senatorial candidate ng administrasyon Benhur Abalos, na ayon kay Argaño ay well trained na abogado at sanay sa local governance; Bam Aquino, may mataas na pagpapahalaga sa edukasyon at kabuhayan; Ka Leody De Guzman, labor leader at napapanahon nang lagyan ng tunay na boses ng manggagawa ang Senado; Atty. Luke Espiritu, mahalaga ang kanyang tapang at kaalamang legal para maisulong ang progresibong mga batas; Heidi Mendoza, ang magbabantay umano sa pondo ng gobyerno; Kiko Pangilinan dahil kailangan may magtaguyod sa agrikultura ng bansa at kapakanan ng magsasaka; at broadcaster na si Ben Bitag Tulfo dahil umano kailangan ng sandigan ng mga inaapi at pinagsasamantalahan ng mga mapang-abuso.

Naniniwala rin si Argan̈o na panahon nang taniman ng mas marami pang tunay na progresibo organisasyon at bagong dugong lider ang Kongreso katulad ng FPJ Panday Bayanihan, sa pangunguna ni Brian Poe Llamanzares- apo ng yumaong Fernando Poe Jr.

“Sa bawat pagdadaos ng halalan sa ating bayan, hangad nating magkaroon ng mga epektibong lider na may malasakit sa bawat Pilipino at sa nag-iisa nating bansa,” pahayag ni Argaño.

“Kung mananatiling watak-watak ang progresibong sektor ng ating lipunan at nababalutan ng purist partisan politics, mananatili ang kadiliman at kabuktutan sa ating gobyerno hanggang sa susunod na eleksyon 2028,” pagtatapos niya.

116

Related posts

Leave a Comment