NAIS ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando na palitan na lahat ang anim na rubber gates ng Bustos Dam kasunod ng pagkasira ng rubber gate 3 noong Huwebes ng hapon.
Ayon kay Fernando, noon pa niya inirekomenda sa National Irrigation Administration (NIA), na siyang may kontrol ng operasyon ng Bustos Dam at sa kontratista nito, na palitan na lahat ang anim na rubber gates dahil substandard ang materyales na ginamit dito.
Samantala, nilinaw ng gobernador na ang isa sa mga rubber gate ng Bustos Dam ay hindi pumutok bagkus ay sumingaw lang, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), at hindi dapat mabahala o mag-panic ang taumbayan.
Ayon kay Fernando, maliit na volume lamang ng tubig ang kumawala sa Dam at hindi nagdulot ng anomang pagbaha sa kalapit lugar.
Nabatid na dakong alas-2:30 ng hapon noong Huwebes nang bumigay ang Rubber Gate 3, isa sa anim na gates ng Bustos Dam, matapos itong sumingaw na naging dahilan ng pagbuhos ng mahigit 2 metrong tubig mula sa dam.
“No need to panic at walang pagbaha dahil maliit lang ang volume ng tubig na natapon,” pahayag ni Fernando.
Ayon sa advisory ng PDRRMO hinggil sa insidente, hindi ito dapat ikabahala dahil maliit na pagbubukas lamang ang nangyari sa Gate 3 at mababawasan lamang ng 2.38 metro ang lebel ng tubig dahil ang kasalukuyang lebel ng tubig ng Bustos Dam ay 17.38 metro lamang.
Nabatid na ang nasabing rubber gate ay nasa ibabaw ng dike ng dam na nagpapanatili ng tubig na may 15 metrong lalim ng Bustos Dam.
Ang Rubber Gate ay halos 5 metro lamang ang lapad kumpara sa mga 25-30 metro ang lapad ng Ilog Angat, ibig sabihin ay maliit lamang itong bukana ng tubig na tatahakin sa malawak na ilog.
Dagdag pa rito, dahil sa panahon ng tag-araw, ang haba ng Ilog Angat ay nasa Yellow Level o nasa mababang antas.
Sinabi rin ng PDRRMO, walang dapat ikabahala o ikapangamba ang mga bayan mula Bustos hanggang Calumpit sa insidente dahil ang epekto nito sa Angat River ay biglaang umaagos lamang na humigit-kumulang 5cm.
Bandang alas-4:00 ng hapon, bumalik na sa normal na daloy ang Angat River.
Pinaalalahanan naman ni Gob. Fernando, bilang Chairman ng PDRRMC ang mga Bulakenyo na walang dapat ikabahala o ikapangamba sa pagbaha at hindi na kailangang lumikas.
Noong Hunyo 2020, nasira ang rubber gate sa Bay 5 ng Bustos Dam dahil umano sa mababang kalidad ng mga materyales na ginamit ng contractor sa rehabilitasyon ng nasabing dam.
Nabatid na hindi bababa sa 15,706 ektarya ng palay at gulay na may 12,904 na magsasaka, ang nakinabang sa tubig ng Bustos Dam.
Agad na tinawagan ng gobernador ang regional office ng National Irrigation Administration (NIA), na siyang namamahala sa operasyon ng Bustos Dam, para magsagawa ng ocular inspection sa dam.
Iginiit din ni Fernando na lahat ng anim na rubber gate ay dapat palitan sa lalong madaling panahon.
(ELOISA SILVERIO)
