Kinastigo ng netizens sa maagang pangangampanya BILLBOARD NI PANELO BINABOY

(BERNARD TAGUINOD)

BINABOY ng mga netizen ang billboard ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na biglang sumulpot sa Katipunan Avenue, Quezon City at sinasabing preparasyon nito sa pagtakbo sa Senado sa susunod na taon.

Base sa mga naglabasang larawan sa social media, mistulang nag-eendorso si Panelo ng serbisyo na may kinalaman sa pagsipsip ng poso negro o imbakan ng dumi ng tao.

“Basta sipsip pozo negro, Panelo ang panalo,” ang mga katagang nakasulat sa malalaking titik sa billboard ni Panelo kung saan mayroon siyang malaking larawan na nakangisi.

Sa orihinal na teksto, nakasaad ang mga katagang “Panalo tayo ‘pag may pagbabago”.

May mga larawan ng face mask, face shield at kung papaano maghugas ng kamay sa gitna ng billboard bago ang mensaheng “laging maghugas ng kamay, magsuot ng face mask at face shield” bago ang kanyang pangalan sa ibaba na “Sec. Sal Panelo”.

Pero sa social media, pinalitan ito ng mga katagang “Over 30 years experience sa paghigop ng ebs!” na isang indikasyon na binaboy ang abogado ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matunog na tatakbo si Panelo sa Senado sa 2022 lalo pa’t sa isang pulong sa Malacañang ay mistulang inendorso ni Pangulong Duterte ang kanyang kandidatura kasabay ng pagsulpot ng kanyang billboard.

Unang pinuna ni ACT party-list Rep. France Castro ang pagkakaroon ng billboard ni Panelo dahil isang uri umano ito ng panggugulang sa mga kapwa kandidato sa susunod na eleksyon.

Bukod dito, hinamon ni Castro si Panelo na isapubliko kung sino ang nagbabayad sa kanyang billboard dahil hindi umano biro ang halaga ng ganitong uri ng advertisement.

Layon nito, ayon kay Castro, na masiguro na hindi nagagamit ang pondo ng bayan lalo na’t aktibong opisyal ito ng administrasyong Duterte.

227

Related posts

Leave a Comment