KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) na mga pulis ang nakabarilan ng pangkat ni Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino na ikinamatay ng huli at iba pa noong Marso 8.
Ayon kay Col. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng PNP-Eastern Visayas Region, ang sinasabing mga taong nakabarilan ng pangkat ni Aquino ay sina Col. Harry Sucayre, Maj. Cyril Tan, Lt. Julius Armesa, Cpl. Edcil Omega, Capt. Joselito Tabada, SSgt. Romeo Laoyon at SSgt. Neil Cebu.
Nilinaw ni Rentuaya na lumabas ang pangalan ng pitong pulis mula sa salaysay ng mga saksi sa engkwentro.
Sa nasabing insidente, napaulat na 21 bala ang tumama sa itaas na bahagi ng katawan ni Mayor Aquino, kasama ang ulo.
Nangangahulugang layunin ng pagbaril ay “siguraduhing patay” ang alkalde at “napakatindi ng galit” ng nagpapatay” sa kanya.
Namatay rin ang bodyguard na mga pulis ni Aquino, drayber nito at isang sibilyan.
Sa panig ng mga pulis, namatay sina Tabada at Laoyon, habang sugatan si Cebu.
Batay sa unang mga ulat, ang mga pulis ang siyang sakay ng puting Toyota Hilux na nakita ng mga saksi sa krimeng nangyari sa Laboyao Bridge sa Barangay Lonoy dakong alas-5:30 ng hapon noong Marso 8.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga imbestigador sa kaso, napag-alamang si Tabada ay hepe ng Samar PNP-Drug Enforcement Unit (DEU).
Si Tabada ay siya ring acting chief of police ng bayan ng Gandara, kalapit na bayan ng Calbayog.
Batay sa unang impormasyong inilabas sa media, nakipagbarilan ang grupo ni Mayor Aquino sa mga taong nasa loob ng sasakyang pinaniniwalaang sumusunod sa sasakyan ng alkalde.
Si Aquino ay papunta sa selebrasyon ng kaarawan ng kanyang anak.
Ipinarating din sa media na kahit patay na si Aquino at mga kasamahan nito ay mayroon pang lumapit sa bangkay ng mga ito at muling binaril ang alkalde.
Mayroon ding balita na nakasuot ng bonnet ang mga nakalaban ng grupo ni Aquino.
Iniimbestigahan ang krimen ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) batay sa utos ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Maging ang Kamara de Representantes ay maglulunsad ng sariling imbestigasyon, alinsunod sa resolusyong inihain ng kinatawan ng unang distrito ng Samar na si Rep. Edgar Sarmiento.
Si Aquino ang pinuno ng Liberal Party (LP) sa Samar. Ang LP ang partidong oposisyon sa administrasyong Duterte.
Ikatlo at huling termino na ni Aquino nitong 2019 hanggang 2022. (NELSON S. BADILLA)
