KONGRESO OOBLIGAHIN SA ANTI-DYNASTY LAW

KINALAMPAG ng kilalang mga hukom at sikat na propesor sa bansa ang Korte Suprema para hilingin na atasan ang dalawang kapulungan ng Kongreso na tukuyin ang kahulugan ng ‘political dynasty’ alinsunod sa Saligang Batas.

Base sa petisyon for certiorari at mandamus na isinampa sa High Tribunal, inoobliga nila ang Senado at Kamara de Representante na tukuyin ang tunay na kahulugan at kabuluhan ng political dynasty o mga politiko na nasa iisang pamilya lamang mula sa ama, ina, asawa, anak, kapatid, tiyo’t tiya, lolo’t lola.

Isinampa ang petisyon nina dating Associate Justice Antonio Carpio na kumakatawan para sa 1Sambayan Coalition, dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, mga propesor na sina Cielo Magno, Dante Gatmaytan at Solita ‘Winnie’ Monsod at Atty. Christian Monsod, kasama ang Advocates for National Interest (ANI), UP Law Class 1975, grupong Sanlakas at apat na obispo at pitong pari ng Simbahang Katoliko.

Mga respondent sa petisyon sina Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez para sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ayon sa mga petitioner, nakasaad sa 1987 Constitution na inaatasan ang Kongreso na lumikha ng batas na pinagbabawalan ang mga political dynasty pero dedma lang ang Kongreso makalipas ang apat na dekada.

Nakasaad na hindi dahilan ang mga salitang ‘as may be defined by law’ para hindi aksyunan ng Kongreso ang kautusan ng Saligang Batas.

Pinatutukoy sa mga mambabatas sa Mataas at Mababang Kapulungan kung ano ang depinisyon para matawag na isang political dynasty.

Sabi pa sa petisyon, dahil sa hindi pag-aksyon dito ay pinabayaan ng Kongreso ang kanilang tungkulin na nagresulta sa monopolya ng mga politiko at pagkakaroon ng hindi pagkakapantay-pantay na nagpalala sa kahirapan ng maraming Pilipino.

Kaya hiniling din nila sa Korte Suprema na obligahin ang Kongreso na magpasa ng batas para sa anti-dynasty.

(JULIET PACOT)

35

Related posts

Leave a Comment