IKINAGALAK ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ang pagkakahuli sa umano’y serial child abuser sa Zamboanga City na isang certified public accountant at lawyer.
Gayunpaman, kinukuwestyon ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas kung bakit umabot ng mahigit dalawang dekada bago nadakip ang suspek na si Michael Molina.
“While the recent arrest of this serial child abuser is welcome, it begs the question: why must it take over 20 years before a perpetrator of this scale could be made to face justice in the Philippines?” tanong ni Brosas.
Noong Marso 16 ay dinakip ng mga awtoridad si Molina sa Zamboanga City dahil sa pagkakasangkot umano nito sa child exploitation at paggawa ng child pornography.
Nagsimula umano ang kalokohan ng suspek noong 2002 kaya dismayado ang mambabatas dahil hindi agad ito nahuli kaya marami ang kanyang nabiktima.
“Umabot pa ng 9 ang nabiktimang bata at 6 sa kanila ay mga legal adult na dahil sa tagal ng inusad ng kaso. This only goes to show the extent to which authorities still fail in implementing existing anti-trafficking laws,” punto ni Brosas.
“Marapat magsilbing wake-up call ang kasong ito na higit sa pagkakaroon ng batas, ang seryosong implementasyon nito ay susi upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga bata. Kung kaya, kailangan din maging accountable ang mga awtoridad na napakabagal ang naging implementasyon ng batas laban sa abuso,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa ngayon ay mahaharap si Molina sa iba’t ibang kaso sa ilalim ng Anti-Trafficking in Persons Act, Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC), Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Umaasa si Brosas na ngayong nadakip na ang suspek at naisampa na ang kaso laban dito, mahahatulan at matatanggalan ito ng lisensya sa pagiging CPA at madi-disbar din bilang abogado.
(PRIMITIVO MAKILING)
