MISTULANG nakapuntos si Senator Manny “Pacman” Pacquiao laban kay Pangulong Mayor Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa isiniwalat ng pambansang kamao na mas mataas ang korapsyon ng kasalukuyang administrasyon kaysa mga nakalipas.
Kung inyong matatandaan mga ka-SAKSI, nagalit si Pangulong Mayor Duterte kay Senador Pacquiao dahil sa alegasyon nito kung saan hinamon pa nito ang pambansang kamao na maglabas ng datos o ebidensya kaugnay sa kanyang mga paratang at binalaan pa nito si Pacquiao na sa oras na hindi nito mapatunayan ang kanyang alegasyon ay kanya itong ikakampanya na huwag iboto sa 2022 national at local elections.
Kaya ko po nasabi na naka-iskor si Pacquiao kay Digong dahil nitong huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Digong ay sinabi nito na upang malinis at maalis ang korapsyon sa pamahalaan ay kailangan ng martial law upang matanggal ang kasalukuyang mga opisyal ng pamahalaan at mapalitan ito ng mga bago at batang patriotic upang makamtan umano ang inaasam na malinis na pamahalaan.
Ang pahayag na ito ni Digong ay masasabing pag-amin na ring tama si Pacquiao na mas mataas nang tatlong antas ang korapsyon ng kasalukuyang administrasyon kaysa mga nakaraang gobyerno.
Isa lang siguro ang dapat gawin ni Digong upang makabawi at maging ehemplo sa sinomang susunod na pangulo ng bansa, pagsisibakin niya ang mga tiwaling opisyal na mismong Senado ang nagsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa katiwalian sa ilang ahensya ng pamahalaan ang nagsabi at nagkaroon pa ng rekomendasyon sa Malakanyang na dapat lang tanggalin ni Digong sa kani-kanilang posisyon ang mga korap at tiwaling opisyal ng Duterte administration.
Subalit, hindi ito ginawa ni Digong – sa halip na sibakin ay ipinagtanggol pa niya ang ilan dito.
Ilan sa hindi nagustuhan ng masa o publiko kay Digong ay ang kabiguan nitong tuparin ang kanyang naging campaign slogan na zero corruption ang kanyang administrasyon, pagtatanggol ng
West Philippine Sea (WPS) at ang pagpuksa sa mga drug lord at mga tauhan nito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Mayroon pa namang halos isang taon si Pangulong Duterte para makabawi sa bayan, ‘yon ay kung gugustuhin niya!
Kahit ‘yung pagsibak na lang sa mga isinusukang opisyal ng kanyang administrasyon na kitang-kita naman ang pagkakamal ng salapi gamit ang kani-kanilang posisyon, subalit wala naman siyang ginawang aksyon!!!
