SA ikalawang magkasunod na buwan, muling nangamote ang Pilipinas sa talaan ng 53 bansang sinuri sa larangan ng pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga programang mag-aahon sa sintang bayan sa kinasadlakang pagkakalugmok dulot ng perwisyong pandemya.
Sa pinakahuling resulta ng pag-aaral ng Bloomberg, nanatili sa huling pwesto ang Pilipinas sa kategoryang COVID Resilience Ranking sa gradong 40.5.
Bukod sa Bloomberg, maging sa COVID-19 Recovery Index ng Nikei Asia, kulelat din tayo sa talaan naman ng 151 bansang nakuhanan ng datos.
Kabilang sa mga ginamit na barometro ng pag-aaral ay ang lawak ng pagbabakuna kontra COVID-19, ang estratehiya ng pamahalaan sa pagsugpo ng karamdaman, antas ng paghihigpit, kalidad ng serbisyong pangkalusugan, polisiya sa pagbyahe at ang bilang ng mga pumanaw sanhi ng COVID-19.
Kasama ng Pilipinas sa mga binigyan ng mababang grado ang mga kalapit bansang Indonesia, Malaysia, Thailand at Vietnam.
Ang nasabing resulta ng pag-aaral ng mga tunay na eksperto ay halaw sa aktuwal na datos na inilabas mismo ng gobyerno.
Taliwas naman ito sa tinuran ng Palasyo kamakailan. Ayon mismo kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, patapos na ang pandemonyo, este pandemya pala – bagay na ikinatuwa ng marami sa pag-aakalang totoo lalo pa’t ibinaba na ng gobyerno ang antas ng paghihigpit sa publiko.
Ang siste, nakaligtaan yatang bigyang diin ng Palasyo na nananatiling banta ang sakit na gawa ng Tsina, kaya naman pati mga pasyalan binuksan na. Sa kumpas ng Palasyo, ang dolomite beach ay dinayo at dinagsa ng libo-libong Pilipino sukdulang ‘di na nakontrol ng gobyerno.
Nakupo! Ang gobyernong nagsabing bawal ang kumpulan ng tao, ang lumalabas na pasimuno ng nagbabadyang panibagong peligro.
Walang dahilan para maging kampante ang gobyerno sa pagbaba ng kaso ng mga nagpopositibo. Huwag sana kalimutang libo pa rin ang antas ng arawang bagong kaso.
Sa halip na magdiwang at magyabang sa publiko, mas mainam sanang pag-ibayuhin ang pagbabakuna, tugunan ang daing ng mga mediko at ang pagpapabuti ng kalidad ng serbisyo sa larangan ng kalusugan – kesa mag-ingay o bumida.
