INIHAIN ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang isang panukala na magpapakulong sa anak na magpapabaya at hindi susuportahan ang matatanda partikular ang mga may sakit at hindi makalakad na senior citizens.
Sa pahayag, sinabi ni Lapid na pagtitibayin ng Senate Bill 2061 ang tungkulin ng anak ng matatanda, may sakit o incapacitated parents.
Sinabi ni Lapid na naging invisible issue sa Pilipinas ang pang-aabuso laban sa matatanda, disabled at hindi na makalakad na magulang kabilang ang pisikal, seksuwal, psychological, emosyunal at financial abuse, pag-aabandona, pagpapabaya at seryosong pagkawala ng dignidad at respeto, ayon sa Commission on Human Rights.
“Nakakalungkot isipin na ang mga magulang na nagpakapagod noong panahong malakas pa sila para masuportahan ang kanilang mga anak, ay kaya na lamang tiisin at abandonahin sa panahong matanda na sila. Wag sana nating makalimutan na hindi naman nagkulang ang mga magulang na ito sa pagsuporta sa kanilang mga anak kaya dapat lang na siguruhin ng ating gobyerno sa pamamagitan ng panukalang isinusulong ko, na masuklian man lang ang mga pagsasakripisyo ng mga magulang sa oras na sila ay matanda at mahina na,” paliwanag ni Lapid.
Ayon kay Lapid, bibigyan ng karapatan ng Senate Bill No. 2061 ang matatanda na nangangailangan sa pamamagitan ng kinatawan ng Department of Social Welfare and Development, na maghain ng kaukulang kasong kriminal laban sa kanyang mga anak kapag hindi siya sinuportahan.
Tinukoy ng panukala na ang salitang support ay “everything indispensible for sustenance, dwelling, clothing, and medical attendance.”
Sinomang mapatutunayan sa kabila ng may kapasidad, na magpabaya ng suporta sa kanilang magulang ay maaaring panagutin sa krimen at maaaring maparusahan ng arresto menor bilang pinakamababa at arresto mayor bilang pinakamataas.
Aabot sa halagang P200,000 pero hindi hihigit sa P500,000, o nasa kautusan ng korte, ang multang ipapataw sa sinomang magpapabaya sa kanilang magulang.
“Kung ang mga magulang ay pwede parusahan ng pang-aabuso sa mga bata oras na hindi nila nagampanan ang kanilang tungkulin na magbigay ng pangunahing pangangailangan ng kanilang mga anak gaya ng pagkain, tirahan at pagpapagamot, dapat parehas na proteksyon din ang ibigay sa mga magulang oras na tumanda na sila. Dapat siguruhin na mabibigyan din sila ng tulong ng kanilang mga anak na may kakayanan naman lalo sa panahong mahina, matanda at may sakit na sila. Hindi dapat hayaan ng ating lipunan na basta pabayaan ang mga magulang sa oras ng kanilang pangangailangan,” dagdag ni Lapid. (ESTONG REYES)
198
