HANGGANG anim na buwang pagkakakulong o kaya multang P30,000 ang parusang ipapataw sa mga gumagamit ng bangketa para sa kanilang negosyo at mga personal na dahilan.
Sa House Bill (HB) 1252 o “Unobstructed Sidewalks Act” na inakda ni Pangasinan 5th District Rep. Ramon Guico Jr., pagmumultahin din ng hanggang P500,000 ang local officials na mabibigong ipatupad ang batas sa kanilang nasasakupang lugar.
“Public places then, such as sidewalks are not to be used for personal purpose,” ani Guico, subalit maraming bangketa aniya ngayon sa bansa ang hindi mapakinabangan ng mga tao dahil ginawa na itong tindahan ng mga tao, labahan, paliguan at sampayan.
Ginagamit na rin umano ang mga bangketa bilang paradahan ng mga sasakyan, motorsiklo, repair shop, tapunan ng basura, basketball court at pinagbuburulan pa kung minsan.
Ang pinakasaklap pa aniya, may mga taong naglagay ng ekstensyon ng kanilang bahay sa bangketa, ginawang halamanan, tinatambakan ng construction materials, sugalan at iba pa kaya hindi na ito magamit ng mas nakararaming tao.
“Consequently, pedestrians have no choice but to walk roadside, exposed to all kinds of road hazards. The end result is the exacerbation of the already dismal traffic situation and heightened risks of what could have been avoidable road accidents,” ayon pa sa mambabatas.
Dahil dito, inihain ni Guico ang nasabing panukala upang mabawi sa iilang tao ang mga bangketa na inangkin na nila nang tuluyan kahit pag-aari ito ng buong sambayanan.
Kapag naging batas ang nasabing panukala, ipagbawal ang paliligo, paglalaba, pagsasampay, pagbuburol, pagtitinda, pagpaparada at iba pang ‘selfish reason’ ng iilang tao sa lahat ng sidewalks.
Nais din ng mambabatas na bawiin ang lahat ng mga bangketa na tinayuan ng ekstensyon ng bahay at commercial establishment upang maibalik ito sa taumbayan kapag naging batas ang panukala.
Maglalagay naman aniya ng probisyon sa nasabing panukala ukol sa pagbibigay ng permit para sa pansamantalang paggamit ng mga bangketa gaya ng community-wide na lokasyon at charitable purposes. (BERNARD TAGUINOD)
467
