LACSON-SOTTO TANDEM, INILUNSAD NA; PACQUIAO, ‘DI PA RIN DESIDIDO

PORMAL nang inilunsad nina Senators Panfilo “Ping” Lacson at Vicente “Tito” Sotto III ang kanilang kandidatura para sa presidential at vice presidential elections sa 2022.

Sa televised program, inilunsad ng dalawang senador ang kanilang campaign motto na ‘Ito ang Simula’ na nakasentro sa ‘Katapangan, Kakayahan at Katapatan.’

Sa kanilang speech, kapwa binigyang-diin nina Lacson at Sotto ang mga problema sa bansa kabilang na ang malaking utang, kawalan ng trabaho, pagsasara ng mga negosyo, pagtaas ng kaso ng mahihirap na Pilipino, iligal na droga at territorial dispute sa West Philippine Sea.

“Hindi biro-biro ang mga pagsubok na haharapin ng susunod na administrasyon. Between me and Senate President Sotto are more than 80 years of honest, dedicated, and competent public

service,” saad ni Lacson.

Kumpiyansa ang senador na sapat ang kanilang kakayahan, integridad at tapang upang pangunahan ang bansa para umahon sa mga problema.

Binigyang-diin din ni Lacson ang kahalagahan ng “leadership by example,” sa paggiit na walang lider na magtatagumpay kung hindi nito ginagawa ang kanyang sinasabi.

Umaasa naman si Sotto na pagkakatiwalaan sila ng publiko para sa pamumuno sa bayan.

“Marahil, dumating na tayo sa punto na hindi na natin kayang ipagsawalang bahala na lamang ang mga nangyayari – sa ating gobyerno, sa ekonomiya. Tama na! Kailangan na nating tumugon!

Kailangan na nating umaksyon! Kailangan na natin magsanib pwersa upang mapigilan at maitama ang mali. Ito na ang simula,” diin ni Sotto.

PACQUIAO, ‘DI PA RIN DESIDIDO

AMINADO naman si Senador Manny Pacquiao na wala pa siyang desisyon kaugnay sa 2022 Elections.

Sa hiwalay na press conference, sinabi ni Pacman na hindi pa rin niya nakakausap ang kanyang pamilya kaugnay sa kanyang magiging desisyon.

Sa ngayon, tatlong opsyon ang nananatiling pinagpipilian ng senador na kinabibilangan ng pagsabak sa Presidential elections, re-election bilang senador at magretiro sa pulitika.

Kasabay nito, nanawagan si Pacquiao sa lahat na magkaisa upang maresolba ang mga problema sa bansa.

“Basta maganda ang hangarin para sa taumbayan, ito ang time na dapat magkaisa tayong lahat. Lahat ng pangako ay gawin natin para magkaroon ng kaunlaran,” pahayag ni Pacquiao bilang reaksyon sa Lacson-Sotto tandem. (DANG SAMSON-GARCIA)

88

Related posts

Leave a Comment