‘ESSENTIAL ITEMS’ ETSAPWERA SA 2022 BUDGET

IPINABALIK ni Senador Risa Hontiveros sa Malakanyang ang isinumite nitong 2022 budget proposal sa Kongreso matapos mabigong maglaan ng sapat na pondo sa ilang ‘essential item’ na makatutulong sa matagumpay na pagharap ng bansa sa pandemya.

Sinabi ni Hontiveros na sa ipinanukalang 2022 National Expenditure Program (NEP), bigo ang Ehekutibo na maglaan ng pondo para sa mga benepisyo ng healthcare workers, ayuda para sa mga bagong mahirap na pamilya, service contracting, at ang paglalagay lang sa vaccine booster shots sa ilalim ng ‘unprogrammed appropriations’.

“Masyadong disconnected ang budget na ito sa realidad ng pandemya. Mananatili pa ang banta ng COVID-19 sa susunod na isa o dalawang taon. Malacanang has to send an amendment and an addendum to the 2022 budget to make sure the relief and response are at a high level,” ani Hontiveros.

Ayon sa Senador, hindi katanggap-tanggap na ang mga healthcare worker na nangunguna sa laban ng bansa kontra COVID-19 ay hindi pinaglaanan, kahit isang sentimo, para sa kanilang kapakanan.

“Sa kabila ng kali-kaliwang panawagan at panaghoy ng ating healthcare workers na maibigay na ang kanilang SRA, gaano kagarapal na sa budget sa susunod na taon ay ni singkong duling, walang inilaan para sa kanilang SRA, hazard pay, allowance sa meals, accommodations at transportation? Bigyan naman natin ng dignidad ang ating medical frontliners,” ayon kay Hontiveros.

Kinuwestiyon din ng senador ang kakulangan ng pondo para sa mga bagong mahihirap na pamilya na karapat-dapat na mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). “Marami ang mga pamilyang natulak sa kahirapan at pasok sa listahan ng DSWD na makatanggap ng conditional cash transfer pero bakit hindi ito nilagyan ng pondo? Hindi ba’t kailangang-kailangan ngayon ng mapapagkunan ng mga pinakamahihirap na pamilyang Pinoy?,” tanong niya.

Pati ang service contracting, aniya, ay hindi man lang pinaglaanan ng pondo, na siyang inaasahang suporta ng mga operator ng private utility vehicles (PUVs) na patuloy na nawawalan ng sapat na kita dahil sa pisikal na distansya at limitadong mga ruta. Noon pa man ay nanawagan na si Hontiveros na bigyang-suporta ang service contracting upang mapagaan ang pagbiyahe ng commuters at bigyan ng hanapbuhay ang PUV drivers.

Ipinahayag din ni Hontiveros ang pagkadismaya na ang budget para sa booster shots ng bakuna ay inilagay lamang sa ilalim ng ‘unprogrammed appropriations’. “Kung ikaw ba na nagba-budget para sa pamilya mo, syempre uunahin mo kung ano ang pinaka-kailangan. I am disappointed na ang booster shots, na napakahalaga para mailigtas ang buhay ng mga Pilipino, ay nasa bingit ng alanganin. Mayroon lang kung may kita o madadagdag ng utang ang gobyerno,” aniya.

Idinagdag ni Hontiveros na wala ring karagdagang budget para sa Commission on Elections (Comelec) para mapondohan nito ang pagboto sa new normal. “Wala ring inilaang pondo para sa posibleng extended voting hours at pagdadagdag ng clustered precincts para makaboto ang lahat ng qualified voters sa susunod na taon. Kailangang masiguradong walang voter disenfranchisement na maganap at mapreserba ang integridad ng ating halalan.”

Ipinunto niya na dapat bawasan ng Malakanyang ang budget ng ilang ahensya, gaya ng National Task Force to end Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na lumobo ang budget ng 57%, at ng mga infrastructure budget na dapat aniya ay babaan at tiyakin na laman na mayroong mga multi-year obligation authorities(MYOA) na gagastusan ang mga connective network infrastructure mula 2023 hanggang sa mga susunod na taon. (ESTONG REYES)

136

Related posts

Leave a Comment