RIZAL – Patay ang isang babae matapos na tambangan at pagbabarilin habang nagmamaneho ng kanyang kotse sa bayan ng Taytay sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ng Taytay Police ang biktimang si Lanie Ayo.
Batay sa inisyal na report, dakong alas-11:12 ng umaga, nagmamaneho ang biktima ng kanyang itim na kotseng Honda City at tinatahak ang Ortigas Avenue Extension pauwi sa kanyang bahay.
Ngunit pagsapit sa Melendres Creekside sa Brgy. Dolores nang pagbabarilin ito ng isang lalaking nakaabang sa tabi ng highway.
Natadtad ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na nalagutan ng hininga habang nakaupo sa driver’s seat.
Mabilis namang tumakas ang suspek na umangkas sa isang naghihintay na motorsiklong nakaparada sa gutter ng highway at minamaneho ng isang hindi rin natukoy na suspek.
Patuloy ang imbestigasyon at inaalam ang posibleng motibo at kung sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
