CALAMBA CITY – Itinaas ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang quarantine classification status ng Laguna sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula Agosto 1 hanggang 15 dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 Delta variant sa lalawigan.
Naunang nairekomenda ng IATF na isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions mula Agosto 1 hanggang 15 ang mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Rizal at Lucena City habang ang lalawigan ng Batangas at Quezon ay nasa General Community Quarantine mula Agosto 1 hanggang 31.
Ngunit itinaas sa MECQ noong Linggo ang Laguna dahil sa pangunguna nito sa rehiyon sa pagkakaroon ng mataas na kaso ng Delta variant na umabot na sa 36.
Todo na ang paghihigpit ng pulisya sa itinakdang checkpoints sa iba’t ibang lugar. Tanging ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) lamang ang maaaring maglabas-masok sa mga boundary ng NCR Plus simula Agosto 1.
Nagpatupad na rin ang pamahalaang panlalawigan ng liquor ban upang maiwasan ang pag-iinuman o pag-uumpukan ng mga residente na isa sa nagiging sanhi ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 Delta variant.
Naglagay na ng checkpoints sa mga boundary upang mas mabantayan nang husto ang paglalabas-masok sa mga lugar.
Inilatag ng Muntinlupa Police Station ang checkpoint mula San Pedro-Tunasan, Susana Heights Exit, Sucat-Taguig at Biazon Road-Alabang.
Nagtalaga rin ng checkpoints sa Calamba patungong Imus kung dadaan ng MCX Daang Hari.
Naglagay rin ng checkpoint sa Sta. Rosa-Tagaytay Road na tanging APORs at frontliners lamang ang padadaanin kung magpapakita ng kaukulang travel permit.
Sa lalawigan ng Quezon ay naglagay rin ng checkpoint sa national road sa Villa Escudero sa Tiaong at hindi pinapayagang dumaan ang mga batang may edad 18-anyos pababa.
Mayroon ding itinalagang checkpoint paglagpas ng Cavitex Toll patungong Cavite City, Rosario, Tanza at Naic.
Kinakailangang ipakita ng mga papasok sa lugar ang patunay na sa nabanggit na mga lugar sila nakatira. (CYRILL QUILO)
184 