KINUMPIRMA ni Senate Majority Leader Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na tinalakay nila sa pulong kay incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang legislative agenda sa ilalim ng administrasyon.
Kasama sa pulong si incoming House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ilan pang mga senador at kongresista na isinagawa sa headquarters ni Marcos sa Mandaluyong City.
Una nang sinabi ni Zubiri na nais ng incoming President na agad ayusin ang legislative agenda para sa susunod na Kongreso.
“In my discussion with our incoming president, President-elect Bongbong Marcos, he wants to shape up the legislative agenda immediately,” pahayag ni Zubiri.
“He instructed me and incoming Speaker Romualdez to sit down and discuss possible legislative agenda for the Sona, discussions for the Sona,” dagdag pa nito.
Nangako naman si Zubiri na magiging committed sa administrasyong Marcos at tutulungan ito sa pagsusulong ng mga panukala para sa bayan.
Kabilang sa nais nitong iprayoridad ang mga panukalang batas na makatutulong sa pagsigla ng ekonomiya, sa pagbangon ng bansa mula sa pinsalang dinulot ng pandemya at pagpapahusay ng healthcare system partikular ang pagkakaroon ng genuine Universal Healthcare Law.
Nais din nitong bigyan pansin ang usapin ukol sa climate change at kapaligiran dahil sa ngayon ay nararanasan na ang epekto ng climate change at pinsalang dinudulot ng pagsira sa kapaligiran.
Kasama ni Zubiri sa pulong sina Senators Nancy Binay, Ronald Dela Rosa, Lito Lapid, Ralph Recto, Ramon ‘Bong’ Revilla at Senators-elect JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Loren Legarda at Raffy Tulfo.
Kasama naman ni Romualdez sina Iloilo Rep. Janet Garin at Isabela Rep. Tonypet Albano. (DANG SAMSON-GARCIA)
