UMABOT sa dalawang libong (2,000) residente ng Montalban, Rizal ang nabahaginan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng inisyatiba ni Rizal, 4th District Representative Fidel Nograles.
Pinangunahan ni Rep. Nograles ang pamamahagi ng DOLE-TUPAD tulong pinansyal na ginanap sa Primark Town Center sa Brgy. San Jose, Montalban noong nakaraang Biyernes, Disyembre 20, 2024.
Isa sa mga benepisyaryo ang tindera ng basahan na si Maryrose Arcillada, single parent na may tatlong anak, residente ng Brgy. San Jose, Montalban. Labis ang kanyang pasasalamat kay Cong. Nograles dahil napabilang siya sa mga nabahaginan ng P5,600 sa ilalim ng DOLE-TUPAD program.
Napakalaking bagay aniya ng ayuda dahil ang 20-anyos na panganay niyang lalaki ay sumasailalim sa tatlong buwang maintenance para sa fatty liver, kung kaya’t ang natanggap niyang pera ay ibibili niya ng gamot.
“Yung gamot niya po ay 80-pesos kada araw, ang trabaho ko lang po ay paggawa ng basahan ‘yun lang ang pinaka-income ko, kaya kulang na kulang po ang kinikita ko kaya nakapalaking bagay na nakatanggap po ako ng tulong pinansyal mula kay Cong. Nograles, ang bunso ko po ay 11-years old, bale 9-years na po patay ang asawa ko, ako lang po talaga ang kumakayod, yung mga magulang ko po ang katulong ko po sa pag-aalaga ng aking mga anak,” dagdag pa ng ginang.
Bukod sa gamot ng anak ay idadagdag din daw niya ang nakuhang halaga sa puhunan sa paggawa ng basahan na pinagkukunan nila ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
“Kay Cong. Nograles, maraming-marami pong salamat sa tulong pinansyal na ipinagkaloob nyo sa ‘min, bilang single mom napakalaking bagay po nito, ‘di ko na uutangin talaga yun po ay ano ah may pampuhunan na po ako at pampapagamot sa anak kong may sakit,” pahayag pa ni Maryrose.
Kwento pa niya, ang kinikita niya sa basahan ay depende sa nagagawa nila at naibebenta, sila na rin ang nagtatahi dahil may napundar silang makina.
“Iba po talaga ang may katuwang ka sa buhay, kaya hirap po ako sa paghahanapbuhay simula nang mawala ang aking asawa siyam na taon na ang nakalipas,” banggit pa ni Maryrose.
“Mensahe ko po sa aking kasamahan na tumanggap ng ayuda, na suportahan natin si Cong. Nograles, malaking tulong ang ibinigay niya sa atin, patuloy lang po tayo magtiwala dun sa mga programa niya,” panawagan pa niya.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang isa pang basahan vendor na si Dianna Arsenal, 59-anyos, kay Cong. Nograles sa natanggap niyang P5,600.
Aniya, malaking tulong sa kanilang pamilya ang natanggap ng halaga. Mayroon umano siyang limang anak at hindi na nagtatrabaho ang kanyang asawa dahil senior na ito.
“Ako po ay isang vendor ng basahan, inilalako ko po sa bahay-bahay, tapos sa palengke po, nagretired na sa trabaho ang mister ko dahil matanda na. Ang 5,600 pesos ay gagamitin ko po sa mga pangangailangan ng pamilya ko po, sana po ay ipagpatuloy ni Cong. Nograles ang kanyang pagtulong, napakabait niya po matulungin po siya sa amin mahihirap,” pahabol pa ng ginang.
Sa distribusyon ng ayuda ay nagkaroon ng maikling programa kung saan nagsalita si Cong. Nograles.
“Magandang hapon po sa inyong lahat, alam ko po magkakaroon tayo ng mga handaan sa mga susunod na mga araw, kaya sinikap ko po na magkaroon kayo ng tulong pinansyal, ngunit ‘wag po natin kakalimutan ang tunay na “Diwa ng Pasko”, na may pagmamalasakit, pagmamahal, pakikiisa, pati na rin ang pagpapatawad,” ayon sa batang mambabatas.
“Hindi po magiging kumpleto ang ating Kapaskuhan, kung hindi makikisama sa ating mga kapamilya, mga anak, komunidad. Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong lahat dahil sa patuloy ninyong suporta sa aking mga programa para sa ating bayan at para maging tuloy-tuloy ang ating serbisyo sa ating bayan. Salamat po at Merry Christmas po sa inyong lahat,” bati pa niya. (JOEL O. AMONGO)
34