LIBRENG CHECK-UP SA COVID-19 HIRIT SA DOH

doh12

HINILING ni  Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Health (DOH) na magbigay ng libreng check-up ang pamahalaan sa mamamayan na may sintomas ng Corona Virus 2019 (COVID-19) sa lahat ng pagamutan ngayong idineklara ni Pangulong Duterte ang National State of Public Health Emergency.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na obligado ang lahat na mag-report sa pamahalaan ng sinomang may kaso ng sakit, kaya dapat paigtingin din ang imbestigasyon hinggil sa nasabing kaso, pagpapatupad ng quarantine at isolation at mabilisang containment upang makaiwas sa pagkalat ng sakit.

“Ngayon may katibayan na mayroong local transmission ng sakit, hindi malayong madagdagan pa ang bilang ng mahahawa sa COVID-19,” giit ni Pangilinan.

Naniniwala si Pangilinan na mahihikayat ang sinoman na magpasuri kung may sintomas sila ng COVID-19 kung libre partikular sa mga ordinaryong mamamayan na kapos sa buhay.

“Dapat planuhin din ng pamahalaan kung paano made-decentralized ang testing center at nararapat na may kapasidad at budget ang local government units na mag-test ng mga taong may virus,” giit ni Pangilinan.

Aniya, dapat ding maghanda ang lahat ng pagamutan at health center ng pamahalaan kabilang ang mga local hospital na magsagawa ng emergency quarantine sa taong positive sa virus.

“Kung gustong magpa-quarantine ang isang empleyado, hindi dapat no work, no pay ang policy bagkus magpasalamat tayo sa empleyadong iyon na pinigilan ang pagkakalat ng virus,” ani Pangilinan.

Sinabi pa ng mambabatas na dapat maging kalmado ang lahat, at hindi puwedeng mag-panic buying o magpakalat ng fake news at maling impormasyon.

“Hindi dapat maging alarmist kahit tumaas pa ang bilang ng kaso ng COVID-19,” giit niya. ESTONG REYES

172

Related posts

Leave a Comment