Ni Ann Esternon
Minsan ka na sigurong nagkasingaw. Kung hindi pa ay suwerte mo dahil may iba na kapag nagkaroon nito ay tadtad ng singaw sa bibig.
Ang mouth ulcer, aphthous stomatitis, aphthous ulcer, at canker sore ay mas kilala sa atin bilang singaw.
Ito ay masakit at makikita sa labi, dila, gilagid, ngalangala, at loob ng pisngi. Karaniwang kulay nito ay puti, kulay abo o minsan ay kulay dilaw na mayroong mapulang gilid sa mga apektadong lugar.
Bago tumubo ang singaw ay makakaranas ng pakiramdam na nasusunog o mahapdi sa bibig.
Ang taong may singaw ay maaaring lagnatin, mawalan ng gana sa pagkain, nakakaranas ng malapot na paglalaway at kahirapan sa paglunok.
Hindi pa mabatid hanggang sa ngayon kung ano talaga ang sanhi ng singaw, at depende rin ito sa mga tao. Karaniwang laki nito ay mula 2 millimeters (mm) hanggang 8 mm. May pag-aaral na nagiging kadalasang dahilan para lumala ito ay tulad ng mga sumusunod:
– stress
– puyat
– oral trauma o ang mga aksidenteng pagkagat sa dila, labi or inner cheek
– aksidenteng natusok ng tinik ng isda, o buto mula sa pagkain
– braces at dental problems tulad ng mga hindi nakaayos na dentures, sira o matalim na ipin at iba pang nakalagay sa bibig na pwedeng makiskis sa dila o gilagid.
– pregnancy, menopause, at hormonal changes kaya karaniwang mga babae ang nagkakaroon nito
– kakulangan sa nutrisyon (kulang sa vitamin C at B12, iron, zinc, at iba pa)
– food sensitivities
– acidic
– poor oral hygiene
– fungal infection
Hindi naman ito peligroso ngunit sobra itong nakaiirita dahil apektado rin nito ang halos bawat galaw kaya nawawalan ka ng pokus. Kadalasang mahirap ding matulog dahil ito ay makirot. Masisira rin ang iyong panlasa kung ang singaw ay tumubo sa dila lalo na kung marami ito.
Kadalasan ding mas masakit o parang makati bilang senyales na malapit nang gumaling ang singaw.
Kapag may mouth ulcer, mahihirapan kang kumain, uminom, mag-toothbrush, magsalita at paminsan-minsan ay masakit din sa ulo sa oras na sumusumpong o kumikirot ito.
Ang isa pang hindi maganda rito, ang mouth ulcers ay maaaring dahilan ng impeksiyon at pwedeng mamaga kaya mas masakit at maaaring bumabalik ito lalo kung mahina ang resistensya. May mga bagay na nagpapalala rito gaya ng paninigarilyo at pagkain o pag-inom ng mga acidic tulad ng oranges, pagkain ng maaalat at maaanghang.
MGA DAPAT IWASAN:
– stress
– paninigarilyo
– pag-inom ng alak
– pagkain at pag-inom ng matatamis
– pagkain ng mga acidic tulad ng lemon, kalamansi, dalandan, pinya, mansanas, igos, kamatis, at strawberry
– Kumain ng pagkaing may folate para gumanda ang lining cells sa bibig
– iwasan ang pagpupuyat o kakulangan sa pagtulog. Kapag kulang ang tulog mainit ang temperatura ng katawan, kaya ang init nito ay maaaring lumabas sa pagkakaroon ng singaw
PAGSANGGUNI SA DOKTOR
Kadalasang sa loob ng dalawang linggo ay gumagaling na ang ulcer na ito. Kapag lampas na ng mahigit tatlong linggo, kailangan nang magpasuri sa doktor dahil baka hindi lang ito basta ulcer.
Dapat na ring magpasuri sa doktor kung lumalaki at dumarami ang singaw lalo na kung talagang kumakalat na ito.
CANCEROUS BA ITO?
Hindi cancerous ang mouth ulcer at magkaiba ito sa mouth cancer. Sa mouth ulcer ay kadalasang masakit ito, sa mouth ulcer ay hindi. Kadalasang sa loob lamang ng dalawang linggo ay nawawala ang mouth ulcer, ngunit sa mouth cancer ay hindi ito nawawala.
Maraming dahilan kung bakit may mouth ulcer gaya ng mga nabanggit ngunit sa mouth cancer ito’y karaniwang sanhi ng sobrang pag-inom ng alak at sobrang paninigarilyo.
Ang pagkakaroon ng singaw ay maaari ring sanhi ng pagkakaroon ng seryosong sakit tulad ng diabetes, gastrointestinal tract disease, celiac disease o Crohn’s disease.
Ang celiac disease ay ang reaksyon ng ating immune system sa pagkain ng gluten, isang protina na natatagpuan sa mga pagkain na may wheat, barley, at rye – mga sangkap sa paggawa ng tinapay. Samantala, ang Crohn’s disease ay isang inflammatory bowel disease (IBD) na nagdudulot ng sakit sa tiyan, malubhang diarrhea, pagkapagod, panlalata, pagbawas sa timbang, at malnutrisyon.
Maaari ka ring maging prone sa pagkakaroon ng singaw sa pagkakaroon ng sakit na diabetes, halimbawa, dahil napapahina nito ang resistensya ng pasyente.
Prone ka rin sa singaw kung ikaw ay may iniinom na partikular na mga gamot o ikaw ay sumasailalim sa chemotherapy na dahilan para masira ang cells at mahati ang mga ito nang mabilisan. Kapag ang ibang cells ay nasira at nahati rin nang mabilisan ay hahantong ito sa multiple side effects na isa sa mga ito ay ang pagkakaroon ng singaw.
Delikadong magkaroon nito ang mahihina ang resistensya, maging ang mga sanggol at mga bata, o ang mga taong may pneumonia o human immunodeficiency viruses/ acquired immunodeficiency syndrome (HIV/AIDS).
MGA GAMOT
– Makakatulong ang mouthwash para maging malinis ang bibig pero ang pagkakaroon ng singaw ay dapat gamitan ng oral antiseptics products na mas mabuting rekomendado ng doktor. Makatutulong din ang pagtanong nito sa pharmacists.
– Paggamit ng antifungal agent
– Ang pagmumog na may kasamang asin ay makakatulong ngunit hindi ito palaging effective o hindi effective sa iba – depende sa lala ng singaw
– Kumain ng yogurt na nakakaginhawa ng hapdi ng singaw. Ang bacteria na kasama sa sangkap nito ay galing sa fermentation process ng yogurt; na nakatutulong magbalanse ng bacteria sa bibig. Tandaan din na nagkukulang ng good bacteria sa bibig sa tuwing may singaw.
– Kapag sobrang dami ng singaw ay pwedeng painumin ito ng antibiotics na rekomendado lamang ng doktor
Para maiwasan din ang singaw ay kailangang laging uminom ng tubig. Mas magandang tubig ang inumin kumpara sa mga inuming may caffeine.
Maging maingat sa pagkakaroon ng singaw dahil kapag umabot ito sa lalamunan ay puwedeng humantong ito sa pagkakaroon ng Diphtheria infection lalo na sa mga sanggol.
Ang Diphtheria ay isang bacterial infection na nakaaapekto sa mucous membranes ng lalamunan at ilong. Ang sanhi nito ay bacteria na Corynebacterium diphtheriae na kapag hindi nabigyang lunas ay maaaring ikamatay ng pasyente partikular ang mga sanggol.
2640