IKA-five hundred twenty-eight (528) community quarantine days na ngayon ngayong araw mula nang magpatupad ng iba’t ibang uri ng quarantine measures ang gobyerno noong Marso 17, 2020 dahil sa pandemya sa COVID-19.
Tayo na ang may pinakamahabang lockdown sa buong mundo at tayo ang may pinakamahigpit na health protocols dahil tayo lamang ang nagsusuot ng face shield sa balat ng lupa.
Warat na warat na talaga ang mga tao sa pandemyang ito lalo na ang mga manggagawa sa pribadong sektor dahil sa on and off na pagtatrabaho nila at on and off din ang operasyon ng mga negosyo.
Kahit ang mga manggagawa sa gobyerno na hindi apektado ang sahod, umaaray na rin dahil sinasabayan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo publiko ang pandemya.
Isipin n’yo na lang ha, kung ang mga empleyado sa gobyerno na hindi nabawasan ang kanilang sahod at tuloy-tuloy ang benepisyo kahit naka-work at home lang ang karamihan sa kanila ay umaaray na, paaano na lang ang mga manggagawa sa pribadong sektor lalo na ang mga no work no pay workers?
Pero bakit hindi nakokontrol ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa sa napakahabang community quarantine? Ano ang problema? Saan nagkulang ang gobyerno?
Noong Agosto 20, naitala ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa bansa mula noong Marso dahil umabot sa mahigit 17,000 at sinundan kinabukasan ng halos 17,000 din.
Indikasyon ba ito na hindi epektibo ang community quarantine dahil kung kailan nagka-lockdown ay saka naman dumarami ang kaso ng COVID-19 pero panay tayo lockdown.
Wala na bang ibang paraan na puwedeng magawa ng gobyerno maliban sa lockdown kapag nagkaka-surge sa COVID-19 para naman hindi maaapektuhan ang hanapbuhay ng mga tao?
Hindi na kakayanin ng mga tao ang mga dagdag na lockdown pa sa mga susunod lalo na’t may mga babala na bago matapos ang buwan ng setyembre ay posibleng aabot ng hanggang 20,000 ang maitatalang kaso kada araw.
Saka bakit ‘yung mga bakunado kasama sa nila-lockdown? Nagtatanong tuloy ang mga tao, “Bakit nagbabakuna pa kung lilimitahan pa rin ang kanilang mga kilos at ayaw kaming palabasin”.
Sa datos ng Department of Health (DOH), 11.9% sa populasyon ng Pilipinas ay fully vaccinated na. Ibig sabihin, 12.9 million tao na ang protektado na sa COVID-19 na ikinalat ng China.
Meron pang 29.1 million ang nabigyan na ng isang bakuna at sa loob ng isang buwan kapag tuloy-tuloy ang pagdating ng mga bakuna, aabot sa 40 million ang fully vaccinated na.
Bakit hindi pakinggan ng gobyerno lalo na ang Inter-Agency Task Force (IATF) ang mungkahi ng mga negosyante na payagan nang magtrabaho at pumunta sa malls, restaurant ang mga full vaccinated na?
May mungkahi rin ang mga negosyante na magkaroon ng hiwalay na sasakyan ang mga bakunado at hindi bakunado na magandang ideya para umusad na ang ekonomiya ng bansa.
Hindi naman sinasabi na kapag bakunado na ay dapat nang magpabaya. Sa totoo lang kahit ang mga bakunado ay ingat na ingat pa rin at sumusunod sa health protocols kaya ano ang problema at nagsusuot ng face mask, may baong alcohol at meron pang face shield.
Kung walang ipinagkaiba ang tingin ng gobyerno sa mga bakunado at hindi pa nagbabakuna, wala talagang mangyayari sa ating bansa. Magtatagal pa ang kanilang pagdurusa!
