LTFRB KINALAMPAG SA AYUDA SA MGA TSUPER

HINIKAYAT ng isang mambabatas sa Kamara ang grupo ng mga tsuper na makipagtulungan sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maibigay ang ayuda na inilaan sa kanila sa ilalim ng Bayanihan Act.

Sa gitna ng hinaing ng mga jeepney driver na napag-iiwanan sa ayuda, nag-organisa si Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred Delos Santos ng Zoom meeting kasama ang pamunuan ng LTFRB at kinatawan ng mga tsuper upang masolusyunan ang problema.

Sa nasabing pulong, nilinaw ni LTFRB Chairman Martin Delgra na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang namamahagi ng pondo para sa ayuda at tumutulong lang ang kanilang ahensya para sa listahan ng mga kwalipikadong jeepney driver.

Sa kabila nito, hinikayat niya ang mga grupo na isumite sa kanila ang listahan ng mga hindi pa nakatanggap ng ayuda.

“Hindi dumaan sa amin ang pera, sila po ang nag-iimplement, give us the list of the drivers that you have already submitted to DSWD and we will follow it up with DSWD,” paglilinaw ni Delgra.

Ayon kay Rep. Delos Santos, “marami pang jeepney drivers ang hindi pa rin naaabutan ng tulong ng pamahalaan kaya sinikap naming magsilbing tulay para maiparating sa kaukulang ahensya ang kanilang hinaing nang makuha na nila ang ayudang para sa kanila”.

Hinikayat din niya ang mga tsuper at operators na mag-consolidate o bumuo ng kooperatiba at pumasok sa Service Contracting Program ng pamahalaan.

Sabi ni Delgra, sa ganitong paraan matitiyak na maipagpapatuloy ang kita ng mga driver kahit pa konti ang pasahero ngayong may pandemya.

Paliwanag naman ni NCR Regional Director Zona Russet Tamayo, “Sa Service Contracting, may pasahero man o wala, babayaran ng gobyerno ang ibiniyaheng kilometrahe”.

Dagdag pa niya, sa pagpirma pa lamang ng kontrata para sa Service Contracting Program, bibigyan agad ng P20,000 ang driver.

Subalit nilinaw ni Tamayo na kailangang magsumite ng mga dokumento ang jeepney operators para sa pagmomonitor ng mga sasakyan, drivers at kanilang biyahe.

Ito rin ang nakikitang solusyon ng LTFRB para maiwasan na ang away sa kalsada ng mga transport group na nag-aagawan sa pasahero.

Sa reklamo naman ng Commonwealth Transport Service & Development Cooperative sa bago nilang ruta, nilinaw ni Delgra na bus route na ang Commonwealth Avenue na dati nilang dinadaanan.

“We have already made a policy na huwag na nating ibalik na naglalaban sa lansangan ang mga pampublikong sasakyan, kaya inayos ang mga ruta,” paliwanag ni Delgra.

Ayon naman kay Aida Jumawan, General Manager ng Commonwealth Transport Service & Development Cooperative, suportado nila ang mga hakbang ng LTFRB.

Nakikita rin nila ang kahalagahan ng service contracting program. (CESAR BARQUILLA)

200

Related posts

Leave a Comment