KINASUHAN ng graft sa Office of the Ombudman ng tatlong konsehal ng Caloocan si Mayor Oscar Malapitan dahil sa pagbili ng umano’y mababa ang kalidad na computer tablets para sa mga pampublikong paaralan na nagkakahalaga ng P320 milyon at hindi umano dumaan sa public bidding.
Kabilang sa inihabla sina Education Undersecretary Alain Pascua; Ingat-Yaman ng Caloocan na si Analiza Mendiola, Tagapangulo ng Bids and Awards Committee na si Oliver Hernandez, senior project officer ng suplayer na Cosmic Technologies Inc. na si Annalou Pallarca.
Nakasaad sa reklamo nina Konsehal Christopher Malonzo, Marylou San Buenaventura, at Alexander Managasar na ang mga biniling tablet para sa distance learning ng mga mag-aaral sa public school ng Caloocan na Cherry Cosmos 7, ay hindi makikita sa mga pamilihan at hindi pasado sa “technical specifications” ng Department of Education (DepEd), na nauna nang naglabas ng memorandum kung saan nakadetalye ang mga kinakailangan para sa gadgets na ido-donate sa mga paaralan.
Sa kabila ng pagiging mababa ang kalidad, naglabas pa rin umano si Pascua ng memorandum kung saan nakasaad na ang mga biniling tablet ng Caloocan ay pasado sa requirements para sa distance learning, ayon sa reklamo.
Ikinumpara ng tatlong konsehal ang ibang tablets at iminungkahing kung ibang brand ang binili ay magiging P239.125 milyon lamang ang procurement contract, o makatitipid ng P79.579 milyon. Bukod dito, kumpara sa Cherry Cosmos 7, pasado sa mga pamantayan ng DepEd ang iba pang brand ng tablets.
Ayon sa reklamo, ang sinasabing pinsala sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ay nag-ugat kay Malapitan at mga kasama niyang kinasuhan.
Pinagpapasa rin umano ng mga nagreklamong konsehal ang alkalde ng ulat ukol sa pagbili ng mga tablet at kontrata sa Cosmic ngunit wala umano itong ibinigay.
Bukod dito, hindi rin umano detalyado ang ipinasang ulat ni Malapitan tungkol naman sa pamamahagi ng nasabing tablets, sa halip ay mayroon lamang mga numero at petsa na walang paliwanag, walang serial number ng mga unit at kung kanino napunta ang mga ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Malapitan na wala pa siyang natatanggap na kopya ng reklamo. (ALAIN AJERO)
279 