NAPAGPASYAHAN kahapon sa full council meeting ng National Disaster Risk Reduction Management Council na irekomenda kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ilagay sa ilalim ng state of calamity ang buong rehiyon ng Luzon.
Layunin nito, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, NDRRMC chairman na mapabilis ang recovery ng mga apektadong lalawigan at apurahin ang pagbangon ng ekonomiya sa mga nasalantang lugar.
Nabatid na kasunod ng malawakang damages na idinulot ng mga nagdaang Typhoon Quinta, Rolly at Ulysses ay nagpulong ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na nakapaloob sa NDRRMC para talakayin ang naging impact ng mga ito sa kabuhayan at buhay ng mga sinalanta.
Sa nasabing pulong ay inatasan ni NDRRMC Chairperson and Defense Secretary Delfin Lorenzana ang Pagasa na balikan ang kanilang historical data para mapalakas ang pagbibigay babala bago pa ang weather disturbances.
Bago ang pagpupulong ay may mga ulat na nagtuturuan kung sino ang mga responsable sa pagbibigay babala sa mga residente hinggil sa posibleng epekto ng paparating na bagyo at sistema sa evacuation.
Gaya na rin ng usapin sa pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam na sinisisi sa malawakang pagbaha at kakulangan umano ng sistema sa pagbibigay babala sa mga residente na naipit sa unprecedented floodings.
Kaugnay nito, nasa mahigit 83,000 katao ang nasagip, inilikas at natulungan sa Cagayan at Isabela, sa ulat ng NDRMMC.
Sinabi naman ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal na delay ang relay ng impormasyon mula sa rehiyon dahil sa COVID-19 restrictions. (JESSE KABEL)
