INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sinang-ayunan ng mga alkalde sa Metro Manila ang panukalang patawan ng mas mabigat na parusa ang mga lalabag sa pinatutupad na health protocols laban sa COVID-19.
Sa isang panayam, sinabi ni MMDA general manager Jojo Garcia na kasama sa napag-usapan sa meeting ang pagpapataw ng mas mataas na multa.
Kabilang sa mga mahigpit na babantayan sa National Capital Region ang mga hindi nagsusuot ng face mask at hindi sumusunod sa physical distancing.
Samantala, inihayag ni Garcia na nasa siyam na ang bilang ng mga empleyado sa kanilang tanggapan na tinamaan ng coronavirus disease.
Nauna nang sinuspinde ni MMDA chairman Danilo Lim ang pasok ng mga empleyado sa ahensya para sa disinfection ng kanilang pasilidad at opisina.
Ayon kay Garcia, sa ngayon ay limitado muna ang bilang ng kanilang mga personnel na nagtatrabaho dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang ahensya. (DAVE MEDINA)
