HAWAK na ng Bureau of Immigration (BI) ang mag-asawang Korean national na wanted sa South Korea dahil sa malakihang telco fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga suspek na sina Choi Jeongyun at Kim Minwoo, parehong 41-anyos, na dinakip sa kanilang bahay sa Barangay Carmona, Makati noong Abril 4.
Ang dalawa ay may red notice mula sa Interpol dahil sa arrest warrant na inilabas ng Chucheon District Court sa Korea.
Sinasabing sangkot ang mag-asawa sa voice phishing kung saan nakapanloko sila ng higit US$840,000 mula sa mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang empleyado ng bangko.
Batay rin sa rekord ng BI, overstaying na ang dalawa mula nang dumating sila sa bansa noong 2019.
Nakakulong ang mga suspek sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang hinihintay ang deportasyon.
(Jocelyn Domenden)
