PASAY CITY — Arestado ang isang lalaki na kasama ng 20-anyos na biktima ng human trafficking matapos silang harangin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Sabado.
Kasama sa iniimbestigahan ang isang immigration officer na umano’y tumulong sa pagproseso ng kanilang pag-alis.
Batay sa ulat ng NBI-International Airport Investigation Division (NBI-IAID) kay Director Judge Jaime Santiago (Ret.), papunta sana sa Saudi Arabia ang suspek na si “Asnawi” at ang biktima nang pigilin sila sa NAIA matapos lumabas sa offloading record ang kanilang mga pangalan at ipinasailalim sa masusing beripikasyon.
Lumabas sa imbestigasyon na ilegal na nirekrut ni Asnawi ang biktima, na hindi pa kwalipikadong magtrabaho sa Saudi Arabia, at pinagamit pa ng Umrah visa upang makalusot. Nauna pa raw silang pinayagang makaalis ng isang immigration officer na si “John R”, ngunit muling naharang ng ibang opisyal bago makasakay.
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang lisensiya si Asnawi bilang recruiter, dahilan para kasuhan siya ng trafficking by fraud and labor exploitation.
Isinailalim na siya sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), na inamyendahan ng RA 10022, habang inirekomenda rin ng NBI ang pagsasampa ng kaso laban sa sangkot na immigration officer.
(CHAI JULIAN)
69
