GUMACA POLICE NAANTIG SA MGA KABATAANG NAGLAKAD PAUWING BICOL MULA LAGUNA

NAANTIG ang mga pulis ng Gumaca Municipal Police Station sa kalagayan ng ilang kabataang naglakad nang ilang araw mula Cabuyao, Laguna patungong Ligao City, Albay matapos mabigo sa paghahanap ng maayos na trabaho.

Ayon kay Police Major Marlon Comia, hepe ng Gumaca Municipal Police Station, dalawang buwan nang naghahanapbuhay sa Cabuyao ang mga kabataan ngunit hindi nakakuha ng maayos na trabaho. Dahil naubos ang kanilang kinita, nagpasya silang maglakad pauwi sa kanilang mga magulang sa Bicol.

Nang makarating sa Gumaca, Quezon, nakita sila ng mga pulis at agad na inalam ang kanilang kalagayan. Dito napag-alamang P150 na lamang ang natitirang pera ng grupo.

Sinabi ni Comia na humanga siya sa mga kabataan dahil marangal silang nagsikap na maghanapbuhay at determinado silang makauwi sa kanilang pamilya.

Dahil dito, agad silang binigyan ng tulong pinansyal ng Gumaca police. Nakipag-ugnayan din ang mga pulis sa driver at konduktor ng isang pampasaherong bus upang matiyak na ligtas na makararating ang grupo sa Ligao City.

Ayon kay Comia, hindi nagdalawang-isip ang kanyang mga tauhan na tumulong matapos malaman ang kalagayan ng mga kabataan.

Ipinakita ng insidente ang papel ng pulisya hindi lamang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi maging sa pagtulong sa mamamayang nangangailangan.

(NILOU DEL CARMEN)

21

Related posts

Leave a Comment