(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
SA layuning maipaalam sa taumbayan ang tunay na estado ng Pilipinas, sinimulan ang pagdaraos ng barangay forum ng mga sectoral leader ng grupong Maisug.
Nitong Biyernes ay nagdaos ng forum sa Brgy. Bambang, Bocaue, Bulacan na dinaluhan ng Maisug Speakers na sina former Executive Secretary Vic Rodriguez, Atty. Trixie Cruz-Angeles, Atty. Harry Roque, at Atty. Glen Chong.
Sa kanyang pananalita, binigyang boses ni Atty. Rodriguez ang alalahanin ng marami kaugnay ng lumalalang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China.
Pinuna ni Rodriguez ang pagdagsa sa Pilipinas ng mga sundalong Amerikano at kagamitan ng mga ito.
“Bakit ang dami-daming sundalong Amerikano sa Pilipinas. Hindi na ito Balikatan o joint military exercises lamang. Bakit andami-dami nang missiles, andami-dami nang gamit pandigmaan ng Amerikano na ikinalat sa iba’t ibang base ng militar ng Pilipinas. Bakit patuloy na sinisilaban ang problemang dulot ng ating nagbabanggaang claim dyan sa South China Sea,” aniya.
Binanggit din niya ang mga kasalukuyang problemang hinaharap ng administrasyong Marcos na mas dapat aniyang unahing bigyan ng tugon.
“Alam ho ninyo hindi biro itong problemang ito. Sa kasalukuyan hirap po ang pamahalaan na pakainin ang kanyang populasyon (mamamayan). Walang maibigay na murang bigas. Lahat ng bilihin nagtataasan. Ang dolyar patuloy na tumataas, ang halaga ng piso pabagsak nang pabagsak,” ani Rodriguez.
Kinumpirma rin nito na ang mga gagawing pulong sa barangay ay pasakalye bago ang malawakang rally na isasagawa sa Region 3 at Metro Manila.
Kaugnay nito, umaasa si Senate President Chiz Escudero na mababanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang tunay na kalagayan ng bansa.
Ani Escudero, nais din niyang marinig kung nasaan na ang bansa, saan galing at higit sa lahat ano ang direksyon na tutunguhin sa mga susunod na taon.
Umaasa rin siyang magbibigay ang Pangulo ng listahan ng mga panukalang batas na nais niyang matutukan, mapag-aralan at masuri ng Kongreso bago matapos ang third regular session ng 19th Congress sa 2025.
Gaganapin ang SONA sa July 22, kasabay ng pagbubukas ng sesyon Mataas at Mababang Kapulungan.
