(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
KINUWESTYON ng kampo ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang pagtanggap ng pabuya ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon, malinaw na paglabag sa batas ang pagtanggap ni Abalos ng pera mula sa pribadong sektor dahil gobyerno ang dapat naglalaan ng pabuya.
“Unwittingly, he admitted a commission of a crime because indeed if you put up a reward, the reward should be coming from the coffers of the government and not from the private persons because indeed if you allow that to happen what would prevent him from accepting gifts which are already in violation of PB 46 or direct bribery,” ani Torreon.
Matatandaang nitong Hulyo 8 ay inanunsyo ng DILG ang P10 milyong pabuya para sa ikadarakip ng nagtatagong si Quiboloy.
Ayon sa ahensya, mula sa mga pribadong indibidwal na gustong tumulong sa paghahanap kay Quiboloy ang naturang halaga.
Ayon naman sa isa pang abogado ng KOJC, kuwestiyunable ang mga personalidad na may kinalaman sa pagbibigay ng pabuya dahil malinaw na tungkulin lamang ito ng pamahalaan.
Samantala, noong Biyernes ay nadakip sa law enforcement operation ng Philippine National Police (PNP) sa tulong ng Philippine Army ang isa sa mga kasama at kapwa akusado ni Quiboloy.
“Lumiliit na ho ang mga pinagtataguan ninyo… Hindi ho titigil ang kapulisan, ang military, ang buong puwersa ng gobyerno para kayo ay dakipin,” ani DILG Sec. Abalos nang iharap sa media ang nadakip na si Paulene Canada.
Si Canada na co-accused ni Quiboloy, ay naaresto sa isang bahay na halos dalawang kilometro lamang ang layo mula sa PNP Regional Police Headquarters, ani Abalos.
Si Canada na nilaanan ng P1 million reward sa kanyang ikadarakip ay nahaharap sa patong-patong na kasong child abuse at qualified trafficking.
Pinag-aaralan ngayon ng PNP ang panukalang pagdaragdag sa kasalukuyang pabuya laban kay Quiboloy upang mapabilis ang pagdakip dito.
Paglilinaw ni Abalos, ang pabuya ay galing sa mga pribadong tao at hindi ibibigay at hindi daraan sa kanila.
Bukod kina Quiboloy at Canada, may tig-isang milyong pisong patong din sa iba pang akusado na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemanes. (JESSE KABEL RUIZ)
