LABIS ang tuwa ng mga mangingisda sa Taal Lake matapos payagan na silang pumalaot sa lawa.
Pinahintulutan na ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon para pakainin ang mga alagang isda sa fish cages sa lawa ng Bulkang Taal.
Tanging limitadong aktibidades at oras lamang ang pinayagan katulad ng emergency harvest, pagpapakain at pagtatanggal ng namatay na mga alagang isda.
Ang mga hindi susunod sa itinakdang mga alituntunin ay maaaring sitahin lamang sa unang paglabag ngunit sa ikalawang paglabag ay maaari na silang pagmultahin.
Samantala, sa huling bulletin na inilabas ng Phivolcs, nagkaroon ng limang maliliit na phreatomagmatic na pagputok mula sa bunganga ng bulkan noong Hulyo 8.
Sa nasabing petsa ay naitala ang pagputok bandang alas-6:47 ng umaga, 6:06 pm, 9:21 pm, 9:50 pm at 2:59 ng madaling araw nitong Biyernes na nagdulot ng maikling plume na may taas na 200 metro.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala naman ng 58 volcanic earthquakes kabilang ang 5 explosion-type earthquakes, 24 low frequency volcanic earthquakes, at 27 volcanic tremor na tumagal ng isa hanggang 6 minuto, 2 hybrid earthquakes at low-level background tremor.
Sa ngayon nananatili pa rin sa alert level 3 ang Bulkang Taal at hindi pa rin pinapayagang bumalik ang mga residente sa loob ng idineklarang danger zone. (CYRILL QUILO)
370 