2 DRUG DEALERS PATAY SA P30-M SHABU ANTI-NARCOTICS OPS

PATAY ang dalawang hinihinalang drug dealer sa ikinasang anti-narcotics operation ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 7 sa Barangay Mambaling, Cebu City.

Tinatayang aabot sa P30 milyong halaga ng shabu ang nasamsam mula sa mga suspek.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Police Regional Office 7 Director Brig. Gen. Ronnie Montejo, napatay sa engkwentro ang mga suspek na sina John Kerlou Pojas at isang alyas “Ryan”.

Nabatid mula kay Police Lt. Col. Regino Maramag, pinuno ng PNP-PRO7 Police Drug Enforcement Group (PDEG), unang bumunot at tinutukan ng isa sa dalawang napaslang ang kanilang poseur buyer.

“Nang tinutukan ng baril, may back-up kaagad. Tinamaan nila ang sasakyan namin at dun nagsimula ang putukan,” pahayag ni Maramag.

Nabatid na bago inilatag ang dragnet operation laban sa mga suspek ay halos isang buwan na tiniktikan ng mga operatiba ni Col. Maramag ang galaw ng kanilang target.

Unang nakuha ng mga awtoridad sa pag-iingat ng mga suspek ang isang kilo ng umano’y shabu.

Ngunit nang rekisahin ang sasakyan ng mga suspek ay tumambad sa mga pulis ang mahigit tatlong kilo pa ng shabu bukod sa droga at ilang baril ang nakuha sa pag-iingat ng dalawang napatay.

Nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga tauhan ni P/BGen. Montejo matapos lumabas sa kanilang initial investigation na nagmula ang shabu sa isang drug lord na nakakulong sa New Bilibid Prison.

Base sa kanilang nakalap na intelligence information, ipinadadala ang mga kontrabando sa pamamagitan ng cargo.

Ayon kay Montejo, sinasabing mga hitman din ang mga napatay kaya mas palalalimin pa nila ang kanilang pagsisiyasat. (JESSE KABEL)

143

Related posts

Leave a Comment