KINUMPIRMA ng pamahalaang lungsod ng Maynila kahapon, na 133 ulit na tinangkang salakayin ng computer hackers ang Manila vaccine website noong Miyerkoles ng gabi bago dumugin ng libo-libong tao na nagmula pa sa kalapit na mga lalawigan, ang vaccination sites ng siyudad.
May 10,000 katao ang dumagsa at pilit na makipagsiksikan sa SM San Lazaro sa Manila at iba pang vaccination sites noong Huwebes na napag-alamang hindi nakarehistro o walang hawak na QR Codes at karamihan ay hindi taga lungsod.
“Maybe it’s coincidence because the night before the chaotic situation in SM San Lazaro vaccination site, our website was attacked 133 times by hackers,” ani Manila Mayor Isko Moreno Domagoso. “Fortunately, with the help of some technological protection… they failed,” ani Moreno.
Kasalukuyang inaalam pa kung sadyang target ng computer hackers ang official website ng Maynila o ang online vaccination registration platform.
Lumilitaw na kasunod nito ang namataang mga sasakyan na nagbababa ng mga tao sa vaccination site kahit oras ng curfew.
“Ala-una, alas-dos ng madaling araw, may dumating dito na bus-bus, van, mga sasakyan na punong-puno ng tao, partikular lamang sa isang site coming outside of Manila,” ani Moreno.
Ang nasabing hacking at pagdagsa ng mga hinakot na tao sa mga vaccination sites ay naganap ilang oras bago ang inaasahang panunumpa ni Moreno sa Aksyon Demokratiko.
Nang tanungin kung may kaugnayan ang nasabing kaguluhan na pagdagsa ng mga hindi rehistradong magpapabakuna at hacking sa political plan ng alkalde, ang sagot ni Moreno: “Sabi ko lang baka natataon.”
Ito ay dahil kasabay nito ang pagpapakalat sa mga social media ng faulty show cause order na inisyu ng DILG laban kay Moreno.
Nakasaad dito ang katagang: “In a memorandum issued in July, the Department of the Interior and Local Government (DILG) ordered Domagoso to explain why Manila failed to address the problem of illegal drugs in 2018” gayung 2019 nagsimulang manungkulan ang alkalde.
Binawi ng DILG ang inilabas nilang show cause order laban Domagoso dahil sa umano’y kakulangan ng pamahalaan sa anti-illegal drugs noong 2018.
Sa isang memorandum na pirmado ni Interior Undersecretary Ricojudge Janvier Echiverri, nakasaad na ang nailabas na show cause order ay
isang “inadvertent re-issuance.” (JESSE KABEL/RENE CRISOSTOMO)
164
