MARILYN CANTA NG TAG/ BLUE BRIDGE CARGO KAILANGAN MAPABALIK SA BANSA

RAPIDO NI TULFO

MASUSING nakabantay at nag-aantay pa rin ang ating mga kababayang overseas Filipino workers mula sa Kuwait sa gagawing paglalabas ng Bureau of Customs (BOC) sa containers na naglalaman ng kanilang pinaghirapang balikbayan boxes.

Mayroong labing-siyam na containers ang inabandona ng Tri-Star cargo sa Customs dahil hindi nagbayad ang kanilang counterpart na Blue Bridge at Tag Cargo sa kanila.

Wala sanang balak ang Tri-Star na iwan ang mga container BOC kung tumupad lang sa usapan ang itinuturong may-ari ng Tag at Blue Bridge cargo na si Ms. Marilyn Canta.

Sinabi ng Tri-Star, nangako si Ms. Canta nang ilang beses sa kanila na huhulugan ang utang pero hindi ito tumupad.

Ang masama ay patuloy pa rin ang pagpapadala nito ng containers sa bansa na natigil lamang nang sabihan ang shipper na hindi na tatanggapin ang containers na galing sa Tag at Blue bridge.

Ayon naman sa mga mensahe sa atin ng mga kababayang OFWs mula Kuwait, nangolekta pa rin daw ng mga kahon ang kumpanya ni Canta nito lang Marso at Abril. Hindi tuloy malaman kung ito ba ay naipadala pa ba dito sa bansa o hindi na.

Dinaig naman ni Ms. Marilyn Canta ang record na hawak namin nang kami ay nagsimulang humawak, ng mga reklamo sa balikbayan boxes. Mas marami ang naloko ng kumpanya ni Canta kaysa sa Allwin Cargo na hinawakan namin halos dalawang taon na ang nakalilipas.

Kung magkakaroon ng imbestigasyon ang Senado sa reklamong ito, dapat isa si Marilyn Canta sa mga ipatatawag upang pagpaliwanagin ito kung bakit hindi siya nagbayad sa kanyang partner. Samantalang bayad na ang mga nagpadala nito sa kanya.

Kung magmamatigas si Canta na hindi ito magpapakita sa pagdinig, pwedeng hilingan sa DFA na kanselahin ang pasaporte nito para mapuwersa itong umuwi.

Matalino naman si Canta na binura ang kanyang social media accounts bago pa man pumutok ang problema . Wala tuloy kaming makuhang larawan nito.

232

Related posts

Leave a Comment