CLICKBAIT ni JO BARLIZO
AYAN, ilang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr., lumabas sa isang survey na ang pagkontrol sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang pinaka-inaalala ng mga Pilipino.
Batay ito sa isinagawang Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia mula Hunyo 17 hanggang 24, ngayong taon sa may 2,400 respondent na nasa wastong gulang kaugnay sa mga pangunahing isyu na kinakaharap ng bansa ngayon.
Karamihan o 72 porsyento ang nagsabi na ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang dapat aksyunan agad ng pamahalaan.
Pumangalawa ang usapin sa pagtaas ng suweldo na nasa 44 percent.
Matik na kapag ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin ang nakalatag ay dadapa rin ang isyu ng dagdag-sahod. Ang suma-total niyan ay kahirapan kaya nais ng 32 percent na mga Pinoy adult na mapababa ang bilang ng mahihirap.
Ngunit ano ang hakbang ng pamahalaan sa tatlong nabanggit na alalahanin ng mga Pilipino?
Iwasan na muna banggitin sa SONA dahil hindi naman achievement ang mga ito?
Siyempre ‘yung mga nagawa kuno ang ibibida.
E, may iba pang pangunahing isyu na gusto ring matugunan ng mga Pinoy gaya ng dagdag-trabaho, paglaban sa korupsyon, pagkagutom, tulong sa mga magsasaka, pagsulong sa kapayapaan, pagsugpo sa kriminalidad at iba pa.
Sabagay, bumagal ang antas ng pagtaas ng presyo ng bilihin sa 3.7% noong Hunyo. Mas mababa ito ng 0.2% mula sa 3.9% na naitala noong Mayo, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Pero nananatiling mabilis ang pagtaas ng presyo ng pagkain.
Ang mga nakapag-ambag sa pagbaba ng inflation rate ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng housing, water, electricity, fuels, at mas mabagal na pagtaas ng presyo ng transport.
Naitala naman ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain at inumin nitong Hunyo kumpara noong Mayo.
Presyo pa rin ng pagkain ang sukatan ng alalahanin ng mga tao partikular ng mahihirap.
Kaya, mapapa-susmaryosep ka na lang sa survey na 4% lang ng mga Pilipino ang naniniwala na napababa ni Marcos ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
4 percent lang? Buti may kuwatro pa. Dapat nga betlog.
Mula noong nangangampanya hanggang sa papalapit na ikatlong SONA sa Lunes ay nakapako pa rin ang P20 na pangako.
Kaya, pinagtatakpan na lang ng mga pang-aliw na ayuda mula sa mga payasong ang tingin sa mahihirap ay busabos na madaling mauto.
Malaking hamon sa administrasyon ni Marcos ang mga pambansang isyu na umaamot ng pagkalinga sa kapakanan ng mga tao.
Apat na taon pa ang ilalagi ni Marcos sa trono sa Palasyo kaya baka naman maresolba na niya ang mga pangunahing problemang kinakaharap ng mamamayan at ng bansa.
Speaking of SONA, maraming nangingilabot sa inanunsyong P20 milyones na gagastusin para sa isang araw na event sa Batasan Pambansa.
Sabi nga ng mga magsasaka, maraming bibig ang mapapakain nyan kung ibibili na lang ng pagkain at ipamimigay sa mga ika nga, isang kahig, isang tuka.
Sabagay, hindi naman ngayon lang isyu ‘yang nakalululang gastos tuwing SONA. Hindi lang pagkain ang bongga sa event na ‘yan kundi maging ang kasuotan ng mga dumadalo.
Kaya nga noong nabubuhay pa si Senador Miriam Santiago ay ipinanukala niya na magkaroon na lamang ng ‘prescribed uniform’.
Mistula na kasing fashion show ang SONA, kanya-kanyang patalbugan. Ang isa pang kapansin-pansin dyan ang mistulang parada ng magagarang sasakyan.
Magtataka ka na lang kung bakit ang yayaman ng mga politiko sa Pilipinas. Para sa isang lingkod-bayan, hindi kaya sila nangingilo tuwing inirarampa ang magagarang damit at sasakyan habang maraming Pilipino ang nganga sa kahirapan?
