NAKATAKDANG dumating sa bansa si United States Undersecretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg upang isulong ang kooperasyon sa teknolohiya at seguridad pang-ekonomiya sa pagitan ng Manila at Washington, D.C., ayon sa United States Department of State.
Sa inilabas na impormasyon ng United States Embassy in Manila, nakatakdang bumisita si Helberg sa Pilipinas at Singapore mula Mayo 17 hanggang 21 upang makipagpulong sa mga opisyal ng pamahalaan, kinatawan ng pribadong sektor, at mga kasaping estado ng Association of Southeast Asian Nations.
Layunin ng pagbisita na isulong ang pagbuo ng isang “ligtas, matatag, at makabagong technology ecosystem.”
Ang pagbisita ni Helberg ay kasunod ng paglagda noong Abril 16 sa Pax Silica Declaration, isang inisyatibong pinangunahan ng Estados Unidos upang palakasin at tiyakin ang seguridad ng supply chain para sa semiconductors at artificial intelligence technologies.
Sa ilalim ng Pax Silica, magtatayo ang US at Pilipinas ng 4,000-acre industrial hub sa Luzon Economic Corridor para sa allied manufacturing at mas mabilis na pamumuhunan.
Sa Pilipinas, inaasahang isusulong ni Helberg ang implementasyon ng Pax Silica kabilang ang mga talakayan kaugnay ng planong Economic Security Zone.
Inaasahan ding bibisitahin ni Helberg ang lugar na nakikitang magiging kauna-unahang industrial hub na magpapalakas sa produksyon ng mahahalagang inputs para sa pandaigdigang supply chain.
Makikipagpulong din siya sa mga stakeholder sa Singapore kung saan pangungunahan niya ang pagtitipon ng mga kinatawan ng ASEAN member-states at mga lider ng pribadong sektor para sa isang US-ASEAN Ministerial Roundtable.
Tatalakayin sa naturang pagpupulong ang papel ng artificial intelligence sa rehiyon at mga oportunidad para sa mas malawak na pakikipagtulungan sa ilalim ng US AI Exports Program.
Ayon sa US Department of State, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng Estados Unidos at ASEAN partners upang palakasin ang kooperasyon sa umuusbong na teknolohiya, supply chain resilience, at economic security sa gitna ng mabilis na pagbabago sa pandaigdigang kalagayan.
(VERLIN RUIZ)
63 