DPA ni BERNARD TAGUINOD
MERON ba talagang flood control projects ang gobyerno na ginastusan ng mahigit isang bilyong piso noong 2022 at 2023 at halos isang bilyong piso ngayong 2024 kada araw? Kung meron bakit lumalala ang baha, hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa karatig na mga lalawigan?
Kung susumahin mula 2022 hanggang 2024 , mahigit P1.1 trilyon ang nagastos ng gobyerno sa flood control projects pero ang tanong ng mga tao, bakit mas lumala pa ang baha sa Metro Manila noong manalasa si bagyong Carina?
Malamang hindi lahat ng pondong ito ay ibinuhos sa Metro Manila dahil ang pinag-uusapan dito ay buong bansa pero malamang ay malaki-laking pondo ang inilagay sa National Capital Region pero bakit palala nang palala ang problema?
Sa infrastructure projects, mukhang ang flood control projects lang ang hindi visible kumpara sa mga tulay at iba pang proyekto na ginagastusan ng gobyerno mula sa buwis ng taumbayan o kaya sa inuutang mula sa ibang bansa na ang taumbayan din ang magbabayad sa pamamagitan ng kanilang buwis.
Mantakin n’yo ha, P1.18 billion ang ginagastos sa flood control projects noong 2022 araw-araw; P1.079 billion noong 2023 araw-araw at halos isang bilyon piso araw-araw ngayong 2024.
Pero ang tanong, sa laki ng halagang inubos sa proyektong ito bakit hindi pa rin nawawala ang baha at sa halip ay lumalala pa? Kaya walang tiwala ang taumbayan sa gobyerno dahil sa ganitong mga problema eh.
Hindi lang sa nakaraang dalawang taon gumawa ng flood control projects ang gobyerno kundi sa nagdaang mga administrasyon pa at bakit hindi matapos-tapos? Baguhin natin ang tanong, wala bang katapusan ‘yan?
Dapat sigurong tukuyin sa gagawing pagdinig ng Kongreso kung saan-saan ang flood control projects na ito at suriin kung talagang nagkakahalaga ito ng mahigit isang trilyong piso o hindi.
Kailangan ding suriin ang kalidad ng mga proyektong ito para malaman kung kinupitan ang proyektong ito at kung kinupitan man ito ay dapat habulin ang mga kontraktor dahil kung hindi ay magpapatuloy ang kupitan sa infrastructure projects.
Hindi lamang ang flood control projects ang dapat suriin kundi maging ang mga nasa probinsya dahil tuwing bumabagyo o kaya sa simpleng habagat lang, ay matindi ang pagbaha na pumeperhuwisyo sa taumbayan.
Kaya nagkaroon ng flood control project ay dahil sa climate change pero kapag bumagyo ay hindi nakaiiwas ang mamamayan kahit sa mga probinsya na wala namang basura tulad ng Metro Manila.
Sana huwag isisisi uli ito sa kalikasan dahil kapag nangyari ‘yan, walang mapapanagot sa paglustay sa pondo ng bayan at mauulit at mauulit ang paglapastangan sa perang dapat magamit para magkaroon ng trabaho ang mga tao at hindi umasa sa ayuda na iilan lang ang nakikinabang.
