TAMA BANG MAG-PARK SA TAPAT NG DRIVEWAY NG KAPITBAHAY?

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

UMANI ng maraming likes at views ang post na video ng isang netizen sa X, na umano’y hinarangan ang kanilang gate ng motor.

Ayon sa nag-post, nakaparada ang motor sa tapat ng kanilang gate. Hindi raw sila makalabas dahil masyadong nakadikit ang motor. Harang na harang, ika pa niya. Kalaunan, natumba ang motor kasi walang nagtanggal nung lalabas na sila. Sa huli, sila pa ang masama.

Umabot na sa halos labing-limang libong likes at mahigit kumulang dalawang milyong views ang post.

Ang isyu lang nung nag-video, binabantaan sila nung kamag-anak ng may-ari ng motor.

Pinalalabas sila ng gate at sinabihan na humanda sila at tatandaan ang mukha nila.

Kaya natakot ang naagrabyado.

Ang akin lang naman, sila na nga iyong nakiparada, tapos sila pa iyong galit. Pinalalabas pa na porke’t bago lang sa lugar ang nag-post, dapat makisama na lang daw sila.

Hindi lang pala isang beses nangyari ang insidente. Marami na. Wala lang pumupuna kaya umuulit.

Sabi pa nga, bibili-bili ng motor tapos wala naman palang garahe. Ang masama pa, maliit na nga ang daanan, mas lalo pang lumiit dahil doon.

Ang mga sasakyan na humaharang sa mga bangketa at daanan ay malinaw na paglabag sa ilalim ng Republic Act No. 4136. Ang Batas ay mahigpit na sinusunod sa Metro Manila at isinasaalang-alang kung gaano kasikip ang lugar.

Sa katunayan, isa ito sa maraming dahilan kung bakit masikip at mahirap daanan ang ibang mga lugar lalo na sa maliliit na mga bayan. Makakikita ka ng mga sasakyan na naka double park, ang ilan ay nakaparada sa mga basketball court, at ang ilang mga sagabal ay dulot ng mga ilegal na vendor na namamahala sa isang lugar.

Ang pagpaparada ay pinag-uugatan din ng napakaraming problema para sa mga Pilipino dahil sa kawalan ng sapat na espasyo. Dapat talaga magpasa ng batas na kung walang sariling paradahan, hindi pwedeng bumili ng kahit anong klase ng sasakyan. Kotse man o motor. Lalo na kung mauuwi sa sigalot ng magkapitbahay ang parking, lalo pa’t kung ginagawang paradahan ang tapat ng kanilang mga bahay katulad na lang ng isyu na ibinahagi ng netizen.

Sa sitwasyon na ito, kahit tama ang pagiging mas malaking tao, mahirap makisama. Lalo na’t ang tingin kasi noong mga may-ari ng motor ay nasa tama sila kahit na naka-aabala na sila ng ibang tao. Tapos wala pang pagbabagong nangyayari. Paano na lang kung may sunog at hindi sila makalabas kasi may harang iyong dapat na daraanan nila? Sana magkaroon tayo ng kamalayan sa ating sarili at sa ibang tao.

285

Related posts

Leave a Comment