SOLON MAY PATUTSADA SA POLICE SECURITY NI BONG GO

“MABUTI pa siya may security ah.”

Reaksyon ito ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa reklamo ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na una siyang inalisan ng police security bago i-recall ng Philippine National Police (PNP) ang 75 sa security ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa mambabatas, ang mga ordinaryong politiko ay hindi pwedeng dalhin ang lahat ng kanilang police security sa bawat lugar na pupuntahan ng mga ito.

“Hindi, you know, for us politicians who travel from one province to another minsan naman po nagko-coordinate tayo sa local police eh. We cannot bring along all the police force to guard you everywhere you go, ‘di ba. Hindi dapat ganun,” ani Barbers sa press conference kahapon.

Naging kalakaran na aniya na nagdedeploy ang PNP ng mga pulis sa mga lugar na pinupuntahan ng mga pulitiko lalo na kung malala ang kriminalidad subalit hindi maaaring bitbitin ang kanilang mga security kung saan-saan.

Ipinaliwanag nito na bagama’t isa sa mga trabaho ng PNP ay bigyan ng seguridad ang mga politiko, nasa kanilang kapasyahan na bawasan ang kanilang security.

“Ang importante ang ating Pangulo, ang Bise-Presidente, ang ating Chief Justice, ang ating Speaker, ang ating Senate President. Under the Constitution sila lang po iyong may allowed na merong ganyang klaseng mga security escorts,” ayon pa kay Barbers.

Samantala, hindi naman masisi ni Barbers si VP Duterte na magreklamo nang bawasan ang kanyang security.

“Well, ako personally ang opinyon ko diyan kasi, ang immediate reaction ko kapag ako’y nabawasan ng ganyan, halimbawa, ako po ay napapalibutan ng aking security at eventually bigla hong na-pull out ito, ang una kong reaksyon ay siyempre nenerbyosin ako,” ani Barbers.

Subalit, ayon naman kina Manila Rep. Ernest Dionisio na hindi dapat ituring na pulitika ang dahilan ng pag-pull out sa 75 sa 110 police security ni VP Sara lalo na’t hindi naman aniya tinatanggal ito ng Presidential Security Group (PSG) na siyang pangunahing nagbibigay na proteksyon sa pangulo at pangalawang pangulo. (BERNARD TAGUINOD)

192

Related posts

Leave a Comment