MAPAGPALANG araw mga ka-Saksi!
Nakakaawa ang sitwasyon ng isang domestic helper sa Saudi Arabia na humihingi ng tulong sa Phil. Embassy sa Riyadh para makauwi na sa bansa.
Inabot na po kasi ng mahigit isang taon ang paghingi ng tulong ni kabayaning Cielo Marie Sabando na hanggang ngayon ay walang nangyayari.
Kaya naman, ipinapaalala na natin sa OWWA at DFA ang kanyang hinaing dahil naidulog ko na ito kay OWWA Administrator Hans Cacdac noong October 2020 pa at nangako siya na aaksyunan ang kahilingan ni OFW Cielo.
Nakuha naman siya ng staff ng POLO sa Riyadh at kinalinga siya roon pero hindi pa rin siya makauwi hanggang ngayon.
Ang malungkot ay ibinalik diumano ng POLO sa agency nito na may sakit sa bituka si OFW Cielo.
Si OFW Cielo ay nai-deploy ng HOPEWELL OVERSEAS MANPOWER NETWORK, INC. na kung saan humingi na rin siya ng tulong para sa operasyon niya sa bituka pero tumanggi ito.
Maging ang foreign recruitment agency nito na Marhaba Enjazz Recruitment Office ay nagtengang kawali rin sa hinaing niya na makabili ng mga gamot.
Bukod sa sakit sa bituka, inireklamo rin ni OFW Cielo ang halos 18-19 oras na pagtatrabaho sa kanyang amo at walang day-off sa loob ng apat na taon niya sa Saudi. Ang masaklap pa may 10 pusa at isang aso na inaalagaan niya at nakagat pa nga raw siya ng mga ito.
***
Sa pulitika naman po tayo, nakikiliti na ang mga Pilipino sa final na mga kandidato sa 2022 Presidential elections.
Sa nakalipas kasi na ilang araw, tila naging teleserye ang mga eksena sa political arena sa bansa.
Hindi mahulaan ang susunod na mga episode ng teleserye dahil sila-sila lang ang nakakaalam ng script. Siyempre, may direktor na nagkukumpas ng susunod na mga eksena. Ang masaya lang, ang mga Pilipino ay nakatutok sa bawat episode at tinalo pa ang rating ng “Ang Probinsyano”.
Natuloy rin ang pinakahihintay na BBM-Sara tandem sa 2022 matapos mag-substitute si Mayor Sara Duterte sa isang kandidato sa vice-president ng Lakas-CMD nina dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo at Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez.
Kasunod nito, in-adopt agad ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) si Mayor Sara bilang VP ni BBM. Maging si Senador Bong Go ay tumakbo na ring pangulo matapos umatras ni Senador Bato dela Rosa ng PDP-Laban Cusi wing.
Ngayong Lunes, aabangan natin ang susunod na mga scenario kung may aatras pa at mag-substitute sa presidential at vice-presidential candidates sa 2022.
Abangan natin ito mga ka-Saksi, excited na ba kayo?!
Para sa inyong mga opinyon, suhestyon at komentaryo, ipadala lang sa dzrh21@gmail.com.
