NAKATAKDANG ilunsad muli ang Media Security Vanguard bilang paghahanda sa nalalapit na May 2025 Midterm Election para matiyak ang kaligtasan ng mga kasapi ng media.
Sinasabing pagtugon din ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamahayag na may malaking papel na ginagampanan ngayong panahon ng eleksyon.
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Jose A. Torres Jr., pormal nilang ilulunsad muli ang Media Security Vanguard sa pamamagitan ng nationwide press conference sa Martes sa PIA Auditorium, 4F, PIA Building, Visayas Avenue, Quezon City.
Pangungunahan mismo ng Presidential Communication Office; Department of Justice, Department of the Interiors and Local Government, Commission on Election, Philippine National Police at PTFoMs ang gagawing official relaunching ng Media Security Vanguard.
Sinabi pa ni Director Torres, ang Media Security Vanguards ay unang inaktibo noong Enero 2022, ayon sa direktibang inilabas ng DILG na may layuning agad na mapagkalooban at matugunan ang anomang banta o karahasan laban sa mga kasapi ng media.
“The reactivation of this initiative highlights the urgency of ensuring journalist protection during the election period,” ani PCO Secretary Jaybee C. Ruiz na isa ring dating kasapi ng media, TV news anchor, field reporter at kasapi at naging Pangulo ng Defense Press Corps of the Philippines.
Inaasahang dadalo at magsisilbing resource speakers sa gaganaping launching sina Jesse Hermogenes T. Andres, Undersecretary, DOJ; PCO Secretary Jaybee C. Ruiz, DILG Undersecretary Rolando C. Puno, Comelec Chairman George Erwin M. Garcia, Gen. Rommel Francisco D. Marbil, chief, PNP at PTFoMs Executive Director Jose A. Torres Jr.
(JESSE KABEL RUIZ)
