(NI LILY REYES)
NAILIPAT na ng Task Force on Media Security (PTFOMS) sa House Committee on Labor and Employment ang panukalang Media Workers Welfare Act.
Ayon kay PTFOMS Undersecretary Joel Egco, hinihintay na lamang ngayon ang consultation at public hearing ng nasabing House Bill No. 2476 na inihain ng bagong kongresista na si ACT-CIS Party List Rep. Nina Taduran.
Ang House Bill No. 2476 ay magkatuwang na binalangkas ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) PTFOMS at ng ACT-CIS Party List .
Layunin nito na mapalago at maiangat ang pamumuhay ng mga nasa media industry na may security of tenure dahil karamihan umano sa mga mediamen ay walang Social Security System (SSS) at PhilHealth contributions maliban sa katotohanang masyadong mababa ang sahod.
Base ito sa ginawang pag-aaral lalo na at tumitindi ang media violence sa bansa.
Nalaman din ang kawalan ng karampatang benepisyo at sahod ng mga taga-media at ito rin ang isa sa dahilan kung bakit may mga mediamen na nagpapagamit sa mga politiko partikular na ang mga corrupt na politiko.
Kaugnay nito, umapela si ACT-CIS Rep. Nina Taduran sa lahat ng mga media personalities na suportahan ang kanyang panukala para agad itong lumusot sa Kamara.
