(NI LYSSA VILLAROMAN)
MAHAHARAP sa suspensiyon ang mga Metro Manila mayors kung hindi nila malilinis ang mga kalye na kanilang nasasakupan sa mga illegal vendors at at hindi maayos na pagkaka-park na mga sasakyan.
Matatandaan na inihayag ni President Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na kinakailangan na linisin ang mga kalye sa lahat ng lungsod sa Metro Manila na ginagamit ng mga illegal vendors at hindi maayos na pagkaka-park ng mga sasakyan na nagiging dahilang ng pagsikip ng trapiko.
Agad naman itong sinangayunan ng 17 alkalde ng Metro Manila sa kanilang isinagawang pagpulong noong Huwebes, kasama na ang Department of Interior and Local Government (DILG).
Magpapalabas din ang mga Metro Manila mayors ng isang memorandum circular base sa direktiba ng Pangulo.
“Napag-usapan po doon ng 17 mayor ng Metro Manila na within 45 days ay maiayos po natin ito based doon sa pagbaba ng ating circular ng DILG. Kailangan sumunod po dito kung ‘di subject for suspension po kami,” pahayag ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na siyang tumatayong pangulo ng Metro Manila Council.
Pahayag pa ni Olivarez na ang mga city council ay maaari ring mag-suspend ng mga barangay officials na hindi makasusunod sa direktiba sa paglinis ng mga kalasadang kanilang nasasakupan.
“Sumunod po tayo sa mga batas, sumunod po tayo sa mga ordinansa. “Hindi po ito kagalingan ng kakaunting tao kundi kagalingan po ito ng karamihan at majority ng ating residente sa Metro Manila,” hiling ni Olivarez sa publiko.
