15 PATAY SA SUNOG SA QC

BINAWIAN ng buhay ang nasa labing lima katao kabilang ang isang pamilya nang masunog ang shirt printing shop sa Pleasant View Subdivision, Tandang Sora, Quezon City kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga nasawi na sina Michael Cavilte, 44, may-ari ng tindahan; asawa nitong si Maria Micaela Barbin, 23, at anak nilang si Erica Scarlet. Ang iba pang biktima na mga stay-in worker ni Cavilte ay sina Wilmar Ritual, 25; Raffy Barrientos, 25; Julius Abarca, 20; Alfred Manuel, 23; Jayson Dominguez, 45, (driver); Carmina Abalos, 22; Teresa Cruz, 25; isang Miya, 20; Irene, 25, Clarise Encado, 25; Dianne Lopinal, 24 at isang Daisy, 30, (stay-in helper).

Suffocation ang sinasabing sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, ilan sa mga nasawi ay hindi na makilala.

Ayon sa mga nakaligtas na sina Eric John Cavilte, 25 (kapatid ng isa sa mga nasawi) at Francisco, 20, bandang 5:30 ng umaga nang magsimula ang sunog.

Ayon sa source mula sa Fire Department, ang establisimyento na pag-aari ni Cavilte, ay inisyuhan ng Fire Safety Inspection Certificate noong nakaraang taon para sa isang 15 metro kuwadrado na nagsilbing ‘lugar ng opisina.’ Ang tindahan ng damit ay matatagpuan naman sa likod.

Agad naman nagpaabot ng pakikiramay si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pamilya ng mga biktima at iniutos ang masusing imbestigasyon kung sumusunod sa mga itinakdang polisiya at kung may permit ang establisimyento.

(PAOLO SANTOS)

308

Related posts

Leave a Comment