3 PULIS-CALOOCAN, PINATAY SI KIAN – KORTE

Habang-buhay na pagkabilanggo ang ipinataw na parusa ng korte sa tatlong pulis ng Lungsod ng Caloocan dahil sa pagpatay sa 16-taong-gulang na si Kian delos Santos noong Agosto 2017.

Nakumbinsi si Caloocan City Branch 125 Judge Rodolfo Azucena Jr. na walang dudang “guilty” sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz sa pagpatay kay Delos Santos.

Sabi ni Azucena, labag sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code alinsunod sa inamiyendahang Republic Act No. 7659.

Makukulong ng 30 taon hanggang 40 (o reclusion perpetua) sina Oares, Pereda at Cruz batay sa tinakda ng batas.

Absuwelto naman silang tatlo sa kasong pagtatanim ng ebidensiya laban kay Delos Santos, sapagkat kapos ang batayan ng prosecution.

Naging kontrobersiyal ang pagkamatay ni Delos Santos noong Agosto ng nakalipas na taon dahil nai-palabas sa TV ang nakunan ng CCTV ang pagkaladkad at pagpatay sa noo’y Grade 11 student.

Maatapos ang insidente, kaliwa’t kanang kritisismo ang iwinasiwas ng oposisyon sa madugong illegal drug operation ng administrasyong Duterte, partikular na kay Pangulong Rodrigo Duterte mismo.

Si Delos Santos ay pinaniniwalang drug runner sa kanilang barangay sa Caloocan, ngunit tahasang itong itinanggi ng kanyang pamilya.

Ikinatuwa naman ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano ang desisyon, sapagkat “ang pag-usad ng kaso ni Kian delos Santos ay isang senyales na may pag-asa pa sa ating bansa.”

Ngunit, idiniin niyang “simula pa lamang ng ating laban para sa hustisya.”

“Walang nakaliligtas sa katarungan. Unang hakbang pa lamang sa pakikipaglaban tungo sa katarungan para kay Kian at iba pang mga biktima ng madugong kampanya laban sa iligal na droga ni Pangulong Duterte,” banggit ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin.

Iginalang din ng Malakanyang ang pasya ng korte.

213

Related posts

Leave a Comment