(NI NICK ECHEVARRIA)
MAGPAPAKALAT ng 730 mga pulis ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para mangalaga sa seguridad sa araw ng promulgation ng Ampatuan Massacre, sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ito’y sa kabila ng pahayag ni NCRPO chief P/BGen. Debold Sinas na wala naman silang namo-monitor na anumang banta sa gagawing pagbasa ng hatol.
Nakipag-ugnayan na rin ang NCRPO sa Special Action Force (SAF) at sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kung saan napagkasunduan ang lock down ng mga bilanguan sa loob ng kampo sa December 18-19 mula alas-6:00 ng umaga.
Ilalagay din sa red alert staus ang buong kampo habang naka-heightened alert ang buong Taguig City police.
Kinonsulta na rin ni Sinas si Chief Justice Diosdado Peralta at ang mga judges na may kinalaman sa nasabing kaso kaugnay sa security concerns ng mga ito sa nakatakdang pagbaba ng hatol sa Ampatuan Massacre makalipas ang 10 taon.
“We provided close security with the judge we also provided bullet proof na sasakyan ,” pahayag ni Sinas sa isang press briefing nitong Biyernes sa Lungsod ng Quezon.
Pangungunahan ni Hon. Judge Jocelyn Solis-Reyes, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 221 ng Quezon City ang promulgation.
Nilinaw pa ni Sinas na wala silang planong magpatupad ng signal jamming sa araw na ibaba ang hatol sa mga nasasakdal habang mariin nitong ipinaalala na hindi nila papayagan ang mga raliyista sa harap ng Camp Bagong Diwa.
Hindi naman humingi ng security sa NCRPO ang mga pamilya ng Ampatuan at Mangudadatu kaugnay sa kasong ito.
Tiniyak naman ng NCRPO na paghihiwalayin nila ang mga taga-suporta ng dalawang magkalabang angkan sa dalawang lugar sa labas ng Kampo para maiwasan ang mga posibleng kaguluhan.
302