PATAY ang isang 84-anyos na detainee samantalang isa ang nakatakas matapos sumiklab ang apoy sa Antipolo City Jail, Huwebes ng gabi.
Unang dumaing ng paninikip ng dibdib ang detainee na nakakulong sa kasong rape at hindi na umabot nang buhay sa ospital, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Hindi pa inilalabas ang pangalan ng biktima.
Isa naman detainee, si Michael Zimon Dig, may kasong two counts of robbery, ang nakatakas sa gitna ng kaguluhan. Tinutugis na si Dig ng kapulisan.
Ayon sa BJMP, mahigit sa 10 ang nasaktan nang magkaroon ng stampede sa gitna ng sunog at nasa iba’t ibang ospital ngayon.
Sumiklab ang apoy bandang alas-8 ng gabi at naapula isang oras ang nakalipas. Mayroong 1,471 detainees na nakakulong sa Antipolo City Jail at ilan sa mga ito ay pansamantalang dinala sa kalapit na basketball court ngunit ibinalik na din sa kanilang selda bago mag-umaga. (Kuha ni ROMY AQUINO)
KAANAK SUMUGOD
SUMUGOD ang pamilya at mga kaanak ng mga nakapiit sa Antipolo City Jail matapos malamang nasusunog ang piitan pasado alas-8 kagabi.
Sa ulat ng mga awtoridad, nasa 13 preso ang nasugatan pero agad ding nakabalik sa piitan ang siyam sa mga ito matapos malapatan ng lunas.
Nananatili sa pagamutan ang iba pang inmates dahil sa pinsalang tinamo na karamihan ay dulot ng stampede. Ilan sa mga ito ay nagtamo ng 1st at 2nd degree burns sa katawan.
Hindi pa malinaw kung ano ang pinagmulan ng sunog na unang tumupok sa selda 10 ng city jail.
225